Sabado, Oktubre 6, 2018

Halina't mag-ecobrick

HALINA'T MAG-ECOBRICK

lumaki na tayong kasama na natin ang plastik
tila ba ito na ang buhay, laging nasasabik
halos lahat ng gamit ay plastik, nakakaadik
pag nalunod na sa plastik, baka mata'y tumirik

huwag ilagay ang plastik sa ilalim ng araw
huwag itong sunugin, nakalalason ang singaw
huwag painitan, sa amoy ay tiyak aayaw
huwag hayaang sa init unti-unting malusaw

mga plastik sa ating bayan ay nakalalason
laking epekto sa bayan sa haba ng panahon
di man matunaw ng hangin, bagyo, ulan, o ambon
ngunit pag nainitan, para tayong nilalamon

ang plastik na itinapon ay pilit na bumabalik
anong dapat nating gawin pag ito na'y humalik
sa mga boteng plastik, mga plastik ay isiksik
upang tayo'y makatulong, halina't mag-ecobrick

- gregbituinjr.
- binasa sa harap ng mga dumalo, sa huling araw ng tatlong araw (Oktubre 4-6, 2018) na Ecobrick Certification Training of Trainors, Daila Farms, Tagaytay City

12402 - Ang una kong ecobrick

“I hope the time should NOT come that plastics are rampant in the ocean than fish. Let’s go ecobrick!” - published at https://www.ecobricks.org/12402/

tunay na malaking hamon sa aking kakayahan
bilang mandirigma para sa ating kalikasan
upang luminis at gumanda ang kapaligiran
itong gawaing pageekobrik para sa bayan

dahil hindi dapat mapunta ang plastik sa laot
ngunit paano pipigilan ang ganitong salot
plastik na naglipana'y tunay na katakut-takot
ang ganitong pangyayari'y sadyang nakalulungkot

isang paraang naisip ng marami'y ecobrick
kung saan gugupitin sa maliliit ang plastik
na sa boteng plastik naman ay dapat maisiksik
ang di lang natin magupit ay mga taong plastik

daigdig nating ito'y huwag gawing basurahan
ito'y isang prinsipyong habambuhay tatanganan
mag-ambag tayo't mag-ekobrik din paminsan-minsan
o kung sinisipag ka'y gawin na itong arawan

- gregbituinjr.