Sabado, Marso 20, 2010

Huwag Mong Ipagkait ang Iyong Ngiti

HUWAG MONG IPAGKAIT ANG IYONG NGITI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ikaw ang aking inspirasyon
ikaw ang aking kasiyahan
ikaw ang diyosa kong mahal
ikaw ang diwata kong banal

ipagkait mo na ang buwan
pati tala sa kalawakan
ipagkait mo na ang mundo
ngunit huwag ang iyong ngiti

pagkat ngiti mo'y aking langit
na sa puso ko'y kumakapit
ngunit kung ito'y ipagkait
dugo sa puso ko'y sisirit

Sasamahan kita sa iyong pagtanda

SASAMAHAN KITA SA IYONG PAGTANDA
(muli, kay Ms. M.)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nais kitang samahan sa iyong pagtanda
ikaw na hibik niring pusong lumuluha
mahal kita, ang puso ko'y sumusumpa
iisa ka lang, ito ang aking panata

sa pagtanda mo, akin kitang sasamahan
sa mga pagkilos, kailanman, saanman
sa anumang gawain, di kita iiwan
kahit makaharap natin si Kamatayan