Linggo, Pebrero 1, 2015

Sana'y makasama kita, sinta, ngayong Pebrero

SANA'Y MAKASAMA KITA NGAYONG PEBRERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sana'y makasama kita, sinta, ngayong Pebrero
ikaw na diwata kong sa puso'y nagpasilakbo
ikaw na sinusuyo ng pagsintang hanggang dulo
ikaw na kasama sa pakikibaka't prinsipyo
ikaw na dahilan bakit ako'y nagiging ako

ikaw na hangad kong makasama sa buong taon
pagkat di lang Pebrero tayo nagrerebolusyon
pagkat nananatili kang tunay kong inspirasyon
nagkapira-piraso man ang kaysidhing kahapon
ay atin pa ring mabubuo itong bagong ngayon

Salamisim sa Pebrero

SALAMISIM SA PEBRERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Pebrero, di lang ito panahon ni Valentino
panahon din ito ng pakikibaka't prinsipyo
napalaya ang diktadura noong Edsa Uno
nadeklara ring pambansang buwan ng sining ito

ngunit sa isyung panlipunan, tila di makinig
itong madla pagkat sila'y di rito kinikilig
pagkat Pebrero'y alala lang dahil sa pag-ibig
pagkat sa pagsinta't kaya nilang magkapitbisig