Huwebes, Agosto 15, 2024

Pahinga muna sa Fiesta Carnival

PAHINGA MUNA SA FIESTA CARNIVAL

matapos magbenta ng Taliba ng Maralita
sa mga erya't organisasyon ng mga dukha
bumiyahe pauwing Cubao ang abang makata
sa Fiesta Carnival nagpahingang nanlalata

noong kabataan ko'y hilig kong tumambay doon
ngunit nawala iyon higit dalawampung taon
naiba na, naging pamilihan, Shopwise paglaon
nagbalik ang Fiesta Carnival, iba na ngayon

uminom muna ako ng kinse pesos na palamig
umupo sa bangko, malakas ang erkon, malamig
ngunit katamtaman lang, di naman ako nanginig
pahinga, nagnilay, habang sa musika'y nakinig

pinanood ang mga bata't inang nakasakay
sa barkong naglalayag habang ako'y nagninilay
may kalahating oras din ako roon tumambay
magsasaing pa, at ako'y umuwi na ng bahay

- gregoriovbituinjr.
08.15.2024

* mapapanood ang 15 segundong bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tZFb3sCKn6/ 

Sigaw ng Taumbayan: Sweldo ng Mambabatas, Bawasan!

SIGAW NG TAUMBAYAN: 
SWELDO NG MAMBABATAS, BAWASAN!

sa isang artikulong showbiz sa Bulgar na pahayagan
ay nakapukaw agad ng pansin ang pamagat pa lamang:
"Sigaw ng Madlang Pipol: Sweldo ng Mambabatas, Bawasan!"
showbiz ngunit pulitikal ang laman, aba'y kainaman

artista kasi ang asawa ng pinuno ng Senado
kaya nga pinupusuan na rin ng showbiz si Heart mismo
local holidays ay nais bawasan ni Chiz Escudero
kayrami raw holidays sa bansa, dapat bawasan ito

sagot ng madla: Ang bawasan n'yo'y sweldo ng mambabatas!
ang mababawas ay ilagay sa bawat kilo ng bigas
baka mapababa rin ang presyong pataas ng pataas
bumaba ang presyo ng kamatis, galunggong at sardinas 

iparehas ang sweldo ng mambabatas sa manggagawa
minimum wage plus seven hundred fifty pesos, ipasa nga!
mambabatas sana'y pakinggan ang panawagan ng madla
at ipakita nilang sila'y tunay na kumakalinga

- gregoriovbituinjr.
08.15.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 14, 2024, p.7

Huwag mong basahin ang aking tula, kung...

HUWAG MONG BASAHIN ANG AKING TULA, KUNG...

huwag mong basahin ang aking tula
kung ikaw ay palamara't kuhila
kung pulitikong walang ginagawa
kundi magnakaw sa kaban ng bansa

ang aking tula'y huwag mong basahin
kung ikaw ay kapitalistang sakim
kung may krimen kang karima-rimarim
kung trapo kang may budhing anong itim

huwag mong babasahin ang tula ko
kung nagsasamantala sa obrero
kung mahihirap ay inaapi mo
kung serbisyo'y iyong ninenegosyo

dahil tiyak na uupakan kita
sa aking tula't baka masaktan ka
pag-uusig ko'y baka di mo kaya
at baka ako'y gagantihan mo na

ngunit ang tulad kong mananaludtod
sa kagaya mo'y di maninikluhod
hustisya'y lagi kong tinataguyod
kahit galamay mo pa'y magsisugod

- gregoriovbituinjr.
08.15.2024