Biyernes, Enero 16, 2026

Payò sa tulad kong Libra

PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA

di ako mahilig sa horoscope subalit
mahilig ako sa pagsagot ng sudoku
ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi
ay nababasa ko ang Libra, horoscope ko

tulad ngayong araw, anong ganda ng payò
piliin daw ang mga taong nagbibigay
ng katahimikan, kayganda ng nahulô
ibig sabihin, ang nanggugulo'y layuan

katahimikan ng loob ang sabing ganap
kapanatagan at ginhawa'y madarama
kaysa mapanira't magugulo kausap
payapang puso't diwa'y kaysarap talaga

di man ako naniniwalà sa horoscope
ang nabasa ko'y talagang malaking tulong
upang positibong enerhiya'y mahigop
lalo't sa mabuting pakiramdam hahantong

horoscope sa sikolohiya'y may epekto
na tilà pinapayuhan ng kaibigan
lalo't mag-isa na lang ang gaya kong bálo
kung may peace of mind, payapa ang pakiramdam

- gregoriovbituinjr.
01.16.2026

* mula sa pahayagang Abante Tonite, Enero 16, 2026, p.7

Sa 3rd Black Friday Protest ng 2026

SA 3RD BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026

patuloy pa tuwing araw ng Biyernes
ang pagkilos laban sa tuso't balakyot
isang commitment na ang Black Friday Protest
upang mapanagot ang mga kurakot

di pa humuhupà ang gálit ng bayan
sa katiwalian nitong mga trapo
nakabibingi na ang katahimikang
akala'y payapa ngunit abusado

talagang kinawat nitong mandarambong
ang pondo ng bayang sinarili nila
karaniwang tao'y saan na hahantong
kung lider na halal ay kurakot pala

nagpapahiwatig iyang ghost flood control
at mga pagbahâ sa mga kalsada
ng sistemang bulok na sadyang masahol
kaya ang sistema'y dapat palitan na!

magpapatuloy pa ang Black Friday Protest
sa pagpoprotesta'y di tayo hihintô
titiyakin nating ito'y walang mintis
nang maparusahan ang sangkot, mapiit

- gregoriovbituinjr.
01.16.2026

* maraming salamat sa kumuha ng litrato

Pagpupugay kay Atty. Rafa!

PAGPUPUGAY KAY ATTY. RAFA!

pagpupugay, Attorney Rafael La Viña!
magaling, mahinahon, mabuting kasama
ngayong taon, isa sa mga nakapasá
sa bar exam at ganap na abogado na

mahusay na lider ng ilang taon dito
sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino
malaking tungkulin ang maging abogado
lalo pa't naglilingkod sa uring obrero

muli, isang taaskamaong pagpupugay
uring manggagawà ay paglingkurang tunay
maraming aping obrero ang naghihintay
sa serbisyo mo't kasipagang walang humpay

at kami nama'y nakasuporta sa iyo
upang mapagkaisa ang uring obrero
nawa'y maging matagumpay kang abogado
ng bayan, ng obrero't karaniwang tao

- gregoriovbituinjr.
01.16.2026