Sabado, Hunyo 27, 2009

Trapo'y Nakatunganga

TRAPO'Y NAKATUNGANGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig

trapo'y walang ginawa
sa uring manggagawa
at mga maralita
kundi ang tumunganga.

Trapong Bulok, Trapong Bugok

TRAPONG BULOK, TRAPONG BUGOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

itong bayan natin ay nalulugmok
dahil sa mga trapong nabubulok
o, bayan, sa ating pakikihamok
trapo'y dapat lang tigpasin ng gulok

pag halalan lang sila kumakatok
sa buhay ng masang walang naimpok
kundi galit sa namumunong bugok
at sa sistemang kaytindi ng dagok

trapo'y kapara ng ligaw na lamok
dugo ng masa'y lagi nilang tutok
maghilom man ang sugat ay balantok
ulo't sikmura'y laging binabagok

o, panahon nang itapon ang bulok
lalo na yaong mga trapong bugok!

Mga Kwentong Trapo

MGA KWENTONG TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Namatay na raw ang kwentong kutsero
Ngunit buhay pa ang kwentong barbero
At may nadagdag na iba pang kwento
Tulad ng mga kwentong babaero
At meron pa rin daw kwentong sanggano.

Ngayon, ang uso'y itong kwentong trapo
Na usapan ng mga pulitiko
Doon sa Senado at sa Kongreso
Na Konstitusyon ay nais mabago
At gobyerno'y gawing parlyamentaryo.

At kung sakaling mangyayari ito
Titiyakin ng pangulong tatakbo
Mula Malakanyang tungong Kongreso
Na sa kanyang balwarte'y mananalo
Tatalunin ang karibal sa pwesto.

Ganap nang magiging punong ministro
Kung siya manalo sa parlyamento
Habang mga kakamping pulitiko
Ay may biyayang milyun-milyong piso
Kaytapang ng apog ng mga ito.

Ay, ganito ang mga kwentong trapo
Maaalibadbaran kahit sino
Kaya kung nais nati'y pagbabago
Aba, magkaisa't kumilos tayo
At baguhin ang lipuna't gobyerno.

Pagkamatay ng Kwentong Kutsero

PAGKAMATAY NG KWENTONG KUTSERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Noon daw sa bayan nating ito
Ay palasak ang kwentong kutsero
Saluhan pa ng kwentong barbero
Aba'y buhay na buhay ang kwento
Tsismis o kaya'y balita ito.

Ngayon tumatanda na ang mundo
Bihira na ngayon ang kutsero
Pagkat karitela'y di na uso
Sasakyan na ang minamaneho
Kaya wala nang kwentong kutsero.

Ngunit meron pang kwentong barbero
Lalo na sa barberya sa kanto
Makipaghuntahan lang kay Pedro
Habang ginugupit ang buhok mo
Ay marami siyang ikukwento.

Kasaysayan ng Dalawang Kalapati

KASAYSAYAN NG DALAWANG KALAPATI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

i.

Kalapating mataas ang lipad
Kalawakan ay ginagalugad
Naghahanap ng uod o higad
Para sa anak na nasa pugad.

ii.

Kalapating mababa ang lipad
Ang turing kay Magdang sawimpalad
Na lagi na lang kinakaladkad
Upang gumiling na at maghubad.

Ibagsak ang mga Trapo

IBAGSAK ANG MGA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig

Kawawa na naman tayo
Pag sila'y muling naboto
Kaya ang panawagan ko:
Ibagsak ang mga trapo!

Trapo'y mga pulitiko
Na ginagawa sa pwesto
Serbisyo'y ninenegosyo
Kaya't di nagseserbisyo.

Pag ang namumuno'y trapo
Kawawa ka, Pilipino
Sistema'y dapat mabago
Kaya magkaisa tayo!

Ibagsak ang mga trapo
Huwag paapi, bayan ko!