Lunes, Enero 12, 2026

Kurakot ba'y buwaya o balyena?

KURAKOT BA'Y BUWAYA O BALYENA?

walâ pa raw malaking isdang nakukulong
ano ba talaga? buwaya o balyena?
itinuring na buwaya ang mandarambong
subalit malaking isdâ ang hanap nila

ang malaking isdâ ba'y balyena o pating?
sila ba ang malalaking dapat mahuli?
gayong kurakot ay buwaya kung ituring
buwayang kurakot, sinisigaw sa rali

marahil mga kurakot din ay buwitre
nanginginain sa dugo't pawis ng dukhâ
silang kaban ng bayan ang sinasalbahe
ay di sinasalba kundi tinutuligsâ 

kung hinahanap natin ay malaking isdâ
bilang siyang ulo o utak ng kurakot
di iyon buwaya o buwitre, di ba nga?
kundi balyena o pating ang nasasangkot

- gregoriovbituinjr.
01.12.2026

* litrato mula sa Editoryal ng pahayagang Pang-Masa, Enero 10, 2026, p.3

Patawa kung bumanat

PATAWA KUNG BUMANAT

dinadaan lang sa patawa
ngunit matindi ang patamà
nang sinakop ang Venezuela
U.S. ba'y anong mapapalâ?

yaong Venezuela may langis
ang Pinas may flood control projects
Pinas sasakupin? ay, mintis!
talo na pag ito ang prospect

talaga kang pinapag-isip
ng komiks sa diyaryong Bulgar
kunwa'y dyok ngunit pag nalirip
may nasapul si Mambubulgar

simple lang kung siya'y bumanat
sa mga isyung pulitikal
tilà balitang nagmumulat
lokal man o internasyunal

- gregoriovbituinjr.
01.12.2026

* komiks mulâ sa pahayagang Bulgar, Enero 10, 2026, p.5