Huwebes, Nobyembre 17, 2022

Happy 81st Birthday po, Itay

MALIGAYANG IKA-81 KAARAWAN PO, ITAY!

salamat po sa lahat-lahat, kami'y nagpupugay
sa inyong pangwalumpu't isang kaarawan, Itay

nawa'y lagi ka pong nasa mabuting kalagayan
bagamat matanda na'y maganda ang kalusugan

Itay, masasabi ko pa ring "I wish you all the best"
dahil para po sa amin, ikaw pa rin ang DaBest!

- mula kina Greg Jr. at Liberty
11.17.2022

Talang Batugan

TALANG BATUGAN

sa Ursa Minor, ito ang pinakamaliwanag
na tala, Talang Batugan ang katutubong tawag
 
ito'y NorthStar o Hilagang Bituin pag naarok
na nasa dulo ng tatangnan ng Munting Panalok

nasa hilagang axis din ng mundo nakaturo
na pag umaga'y di makita't tila ba naglaho

tinatawag rin ang bituing ito na Polaris
na ngalan ay katugma ng bayaning si Palaris

Talang Batugan? aba'y may tamad nga bang bituin?
o dahil parang tuod ito kung di kikibuin

animo'y nakasabit lang na parang tinirintas
sa kalangitang tanging pag gabi lang lumalabas

oh, Talang Batugan, kung ika'y isang paraluman
magsisipag ako upang makasama ka lamang

- gregoriovbituinjr.
11.17.2022

* Talang Batugan - katutubong tawag sa Hilagang Bituin, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1212
* Munting Panalok - Little Dipper
* Palaris (Enero 8, 1733 – Pebrero 26, 1765), bayaning lider mulang Pangasinan
* Ang tulang ito'y bahagi ng planong aklat na "Talastas Ko ang mga Bituin" na katipunan ng mga sanaysay, kwento at tula. Apelyido ng asawa ko'y Talastas at ako naman ay Bituin.

Sa aking lungga

SA AKING LUNGGA

ah, bihira na akong lumabas sa aking lungga
maliban kung may pagkilos ang kapwa maralita
nagbabasa roon sa munting aklatan ng akda
ng mga awtor, nobelista, kwentista't makata

namamalagi lamang sa ilang metro kwadrado
tila isang dipang langit o munting paraiso
kung saan palibot ay magasin at ilang libro
ang musika'y busina, huni ng ibon o radyo

habang ako'y nasa bartolina ng tugma't sukat
na pawang saknong at taludtod ang isinusulat
nagdidildil man ng asin pag araw na'y sumikat
sa pagbabasa't pag-inom ng tubig nabubundat

animo'y nasa kubong naroon sa kagubatan
na buhay sa kalikasan yaong nararamdaman
paglinang ng sining ko'y dito pinagbubuhusan
ng pawis, panahon, buong puso't guniguni man

- gregoriovbituinjr.
11.17.2022

Bilin sa poste

BILIN SA POSTE

sa poste: "Bawal Umihi Dito"
sa maraming poste pa'y ganito
ngunit kaiba ang biling ito
pagkat may dugtong: "Hindi Ka Aso"

tama nga naman ang panawagan
na aso'y huwag nating tularan
para sa tao'y may palikuran
kung wala, ihi muna'y pigilan

bakit poste ang iihian pa
dahil pagpigil ba'y di na kaya
subalit isipin din ang kapwa
kung dahil sa iyo'y mangamoy na

ang poste'y papalot o papanghi
batid mong yao'y nakadidiri
nais lang ng bilin na mapawi
ang sa tao'y pangit na ugali

pag-ihi'y kayanin at kontrolin
ang palikuran muna'y hanapin
pag nakita, ginhawa'y kakamtin
kung panunubig mo'y doon gawin

- gregoriovbituinjr.
11.17.2022