Linggo, Hulyo 16, 2023

Bawat tula ko'y piraso ng aking buto

BAWAT TULA KO'Y PIRASO NG AKING BUTO

bawat tula ko'y piraso ng aking buto
bawat katha'y tipak ng buong pagkatao
ang tula ko'y ako, ng aking pagkaako
sapul pagkabata hanggang aking pagyao

sumasagad sa buto, bungo'y nagdurugo
maitula lang ang nadaramang siphayo
bayo sa dibdib ay damang nagpapadungo
mga pilay sana'y gumaling na't maglaho

nang minsang madapa, nadama'y napilantod
animo'y nadurog ang aking mga tuhod
tila apektado rin ang aking gulugod
pati bawat kataga, saknong at taludtod

nadama kong napilayan akong matindi 
kaya pati sa pagkatha'y di mapakali
puso't diwa'y nayanig, sa dusa'y sakbibi
tulad ng pagtulang lumbay lagi ang saksi

patuloy akong kakatha ng tugma't sukat
may pilay man yaring pulso sa pagsusulat
sakaling tula ko'y binasa't dinalumat
tangi kong masasabi'y salamat sa lahat

- gregoriovbituinjr.
07.16.2023

Pag-amin

PAG-AMIN

inaamin ko, pangit talaga akong tumula
kaya mga nagbabasa't nagla-like ay bihira
di tulad ni makatang Glen at iba pang makata
madalas tumula't kaygaling talagang kumatha

minsan ngang magkita kami ni kasamang Marcelo
tanong niya'y bakit di nila-like ng kolektibo
ang mga tula ko, ayos lang iyon, ang sabi ko
ang mahalaga, sa pagkilos ay patuloy tayo

sinabi ni Pilosopo Tasyo'y gamit ko ngayon
na habang kausap si Ibarra'y nagsulat noon
nang di raw para sa kanyang mga kahenerasyon
sinulat sa baybayin, babasahin daw paglaon

mahalaga ngayon, sarili'y bigyan ng halaga
humaharap sa mundo ng taasnoo talaga
kahit tula ko'y tinuturing nilang walang kwenta
bagamat bawat tula'y tulay ko tungo sa masa

kaya pinagtutuunan ko na lang ay mensahe
para sa uri, para sa bayan, di pansarili
tuloy sa pagkatha kahit pa nila isantabi
o isuka ang aking tula, anong aking paki

napapangitan man sila sa aking tugma't sukat
ito ang aking paraang magbahagi sa lahat
bihira mang may mag-like, at tula ko'y inaalat
ay pinagbubutihan ko pa rin ang pagsusulat

- gregoriovbituinjr.
07.16.2023

Ang sosyalismo ay dagat

ANG SOSYALISMO AY DAGAT

anang isang kasama, ang sosyalismo ay dagat
walang nagmamay-ari, nakikinabang ay lahat
iyan din ang pangarap ko't adhika sa pagmulat
sa kapwa, uri't bayan, lasa man ay tubig-alat

di tulad ngayon, inangkin na ng mga kuhila
sa ngalan ng tubo, ang laksang bagay, isla't lupa
silang di nagbabayad ng tamang lakas-paggawa
at nagsasamantala sa obrero't maralita

sinong nais magmay-ari ng buong karagatan
marahil wala, pagkat di nila ito matirhan
baka naman may nagnanais na ito'y bakuran
upang yamang dagat ay kanilang masolo naman

sinong gustong may nagmamay-aring iilang tao
sa isang malawak na lupa dahil sa titulo
habang katutubo'y nakatira na noon dito
inagawan sila ng lupa ng mapang-abuso

mga pribilehiyo'y nasa mga nag-aari
yaman ng lipuna'y nasa burgesya, hari't pari
inapi ang tinuringang nasa mababang uri
ugat nga ng kahirapa'y pribadong pag-aari

kaya dapat nating ipagwagi ang sosyalismo
at itayo ang lipunang talagang makatao
di na korporasyon ang mananaig na totoo
kundi kolektibong pagkilos ng uring obrero

- gregoriovbituinjr.
07.16.2023

* litrato mula sa google