umuulan, tipak ng bato'y bumagsak sa dibdib
tila ako'y nasa gitna ng madilim na yungib
mga halimaw ay anong bangis kung manibasib
habang inihanda na ang sarili sa panganib
naagnas ang katawan sa dulo ng bahaghari
laksa-laksang tahanan ang tila ba nangayupi
nais kong makaalpas subalit may pasubali
gapiin ang mga halimaw upang di masawi
nadarama kong tila sinusuyo ng kadimlan
patuloy na sinusubok ang aking katatagan
di nila batid na ako'y insurektong palaban
na di payag na pasistang insekto'y makalamang
tinangka ng mga halimaw na ako'y gapiin
kaya pinaghusayan ko ang eskrimahan namin
ayokong basta pagahis upang di alipinin
at patuloy ang labang tila buhawi sa bangin
umuulan, bumagsak sa dibdib ay iniinda
habang nakikipagtunggali sa sabanang putla
pumulandit ang dugong nagkasya sa sampung timba
naghingalo ang halimaw na ngayo'y hinang-hina
- gregoriovbituinjr.
Biyernes, Oktubre 9, 2020
Pag salat sa pag-ibig
minsan, nagdurugo ang pusong salat sa pag-ibig
pagkat walang inibig kaya dama'y nabibikig
mabuti nang nagmahal kaysa di man lang umibig
kahit magdugo ang pusong nasawi sa pag-ibig
oo, mabuti pang masaktan ang pusong nagmahal
na ang nadaramang kirot animo'y nagpapantal
minsan, mabuti pang sa pag-ibig nagpakahangal
kaysa di umibig at inibig, nagpatiwakal
ako'y ibigin mo, O, diwata kong minumutya
pagkat ikaw ang ibig ko, magbadya man ang sigwa
babatahin ang hirap kahit magdusa't lumuha
na kung mawawala ka'y tiyak kong ipagluluksa
ayos lamang daw magbigay ng tsokolate't rosas
ngunit anila'y mabuting may pambili ng bigas
pagkat di sapat ang pagmamahal, puso'y nag-atas
na dapat nakabubusog din ang pagsintang wagas
- gregoriovbituinjr.
pagkat walang inibig kaya dama'y nabibikig
mabuti nang nagmahal kaysa di man lang umibig
kahit magdugo ang pusong nasawi sa pag-ibig
oo, mabuti pang masaktan ang pusong nagmahal
na ang nadaramang kirot animo'y nagpapantal
minsan, mabuti pang sa pag-ibig nagpakahangal
kaysa di umibig at inibig, nagpatiwakal
ako'y ibigin mo, O, diwata kong minumutya
pagkat ikaw ang ibig ko, magbadya man ang sigwa
babatahin ang hirap kahit magdusa't lumuha
na kung mawawala ka'y tiyak kong ipagluluksa
ayos lamang daw magbigay ng tsokolate't rosas
ngunit anila'y mabuting may pambili ng bigas
pagkat di sapat ang pagmamahal, puso'y nag-atas
na dapat nakabubusog din ang pagsintang wagas
- gregoriovbituinjr.
Dalawang nais kong disenyo sa tshirt
dalawang klaseng disenyong nais kong ipagawa
tatak sa tshirt na itinataguyod kong kusa
na sumasalamin sa pagkatao, puso't diwa
baka pag nabasa ng iba'y humanga sa likha
sa tshirt ay nakatatak ang tinahak kong daan
ang isa'y pagiging vegetarian at budgetarian
habang ang isa'y prinsipyong niyakap kong lubusan
na unang taludtod ng Kartilya ng Katipunan
una, "Ang buhay na hindi ginugol sa malaki
at banal na dahilan ay kahoy na walang lilim
kundi man damong makamandag", sa ikalwa'y sabi
ako'y isang vegetarian at budgetarian na rin
dalawang diwa, dalawang tatak ng pagkatao
na kaakibat ng yakap kong adhika't prinsipyo
kung ikaw naman, ipalalagay mo kaya'y ano
sa tshirt na sumasalamin sa personahe mo
- gregoriovbituinjr.
Iekobrik din ang mga cotton bud na plastik
anong gagawin sa mga cotton bud na plastik
ang tumangan sa bulak, ito ba'y ieekobrik
oo naman, bakit hindi, huwag patumpik-tumpik
di ba't sa laot, cotton bud din ay namumutiktik
dapat lang may disiplina kung popokus din dito
baka mandiri sa cotton bud na mapupulot mo
kailangan ng partisipasyon ng mga tao
upang sila na ang magekobrik ng mga ito
tipunin muna ang cotton bud nilang nagamit
at isiksik nila ito sa isang boteng plastik
sa kalaunan, ito'y mapupuno't masisiksik
mabuti na ito kaysa basurahan tumirik
simpleng pakiusap, iekobrik mo ang cotton bud
lalo't plastik ito't lulutang-lutang pa sa dagat
baka kaining isda'y may plastik na nakatambad
iyon pala'y cotton bud mong binalikan kang sukat
- gregoriovbituinjr.
* unang nakita ang litrato ng sea horse mula sa isang seminar na dinaluhan ko noon, at hinanap muli sa internet
Mga tinakdang apakan sa lansangan
isang metrong social distancing ay ginawang tanda
sa daanan, sa bangketa, kainan, talipapa
upang doon tatapak ang tao nang di mahawa
pagkat pag napabahing ang katabi, ay, kawawa
ito na'y ginawang paraan ng social distancing
sa pagpara ng dyip, sa botika kung may bibilhin
kahit manliligaw ng dalaga'y di makatsansing
apakan mo ang bilog ngunit huwag kang babahing
samutsaring bilog, may nakasulat pa sa sahig
iba't ibang disenyo, ingat lang sa mang-uusig
tumalima na lang, sa payak na bilog tumindig
habang sa naka-facemask na dalaga'y nakatitig
lipat agad pag may umabante't nakasakay na
abante pag sa botika'y nakabili na sila
ganyan sa panahon ngayon pagkat may kwarantina
para walang gulo, kailangan ang disiplina
- gregoriovbituinjr.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)