Miyerkules, Hunyo 21, 2023

Utitab

UTITAB

sa krosword, luha sa itim ng mata ang utitab
habang sa isang diksyunaryo, uhog ang utitab

may luha sa puti ng mata at itim sa mata
habang ang isa'y salitang gamit sa medisina

magkaiba ng kahulugan, alin ba ang tama
pareho mang likido, iba ang uhog sa luha

gayunpaman, mga ito'y dagdag na kaalaman
sa akda'y magagamit, di man magsingkahulugan

pag nirambol ang UTITAB, makukuha'y BATUTI
di kaya rito galing ang ngalang Huseng BATUTE

makatang may luha sa itim ng mata ang tula
o kaya makatang ito'y uhugin noong bata

ngunit makapagpapatunay ng ganito'y sino
kung utitab ba'y Batute, ay, naisip lang ito

- gregoriovbituinjr.
06.21.2023

* krosword mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hunyo 21, 2023, p.10
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1312

Hina, Hinala, Hinalay

HINA, HINALA, HINALAY

aba'y grabe ang balitang iyon
dalagang labingsiyam na taon
yaong "hinihinalang hinalay
itinali sa puno, pinatay"


sinamantala ang kahinaan
ng mutyang marahil walang muwang
na mangyayari iyon sa kanya
gayong pupuntahan ay pagsamba

bakit kaya ang dalagang iyon
ay pinaslang ng pagayon-gayon
sinumang gumawa'y walang budhi
sa mundo'y di dapat manatili

dapat ang salarin na'y madakip
ang kanyang mundo na'y sumisikip
tiyak, nagmamahal sa biktima
ngayo'y humihiyaw ng hustisya!

- gregoriovbituinjr.
06.21.2023

* ulat at larawan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hunyo 20, 2023