Sabado, Disyembre 29, 2018

Soneto alay kay Sir Cirilo F. Bautista

SONETO ALAY KAY SIR CIRILO F. BAUTISTA, 
PAMBANSANG ALAGAD NG SINING SA PANITIKAN

Cirilo Bautista, pambansang alagad ng sining
Idolo ka sa panitikan, kayhusay, kaygaling
Ramdam namin ang mga katha mong may suyo't lambing
Ikaw yaong sa panulat ng marami'y gumising.

Laking Sampaloc, Maynila, mahusay na makata
O, Cirilo, inidolo ka sa bawat mong likha
Baguio'y tinirahan din, naging guro sa pagkatha
Ang kolum sa Panorama'y kinagiliwang sadya.

Umpisa pa lang, akda mo'y nakapagpapaisip
Tulad ng Kirot ng Kataga, di agad malirip
Isinaaklat na katha mo'y ginto ang kalakip
Sugat ng Salita pag ninamnam, may nahahagip.

Tunay kang alagad ng sining, Cirilo Bautista!
Ang mga lakang akda mo sa bayan na'y pamana.

- gregbituinjr.

* Cirilo F. Bautista (July 9, 1941 - May 6, 2018), Philippines' National Artist for Literature 2014

Soneto alay kay Binibining Catriona Gray, Miss Universe 2018

litrato mula sa google

SONETO ALAY KAY BINIBINING CATRIONA GRAY, MISS UNIVERSE 2018

Bagong Miss Universe ang nagningning sa daigdigan
Binibining Catriona Gray ang musa ng bayan
Catriona, isa nang alamat sa kagandahan
At nagdala sa bansa ng mabunying karangalan.

Tigib ng galak ang bayang puno ng suliranin
Rinig ang hiyawan nang manalo ang mutyang ningning
Ipinakita mo'y di lamang ganda kundi galing
O, Catriona, huwaran ka't tunay na bituin!

Nawa'y magpatuloy ka't harapin ang bagong hamon
Ang iyong pagkapanalo sa bansa'y nagpabangon
Gumuhit ka ng isang bagong kasaysayan ngayon
Ramdam ng bayan, idolo't tunay kang inspirasyon!

Ang ambag mo sa dangal ng bansa'y di malilimot
Yinapos ka na ng bayan sa dangal mong dinulot.

- gregbituinjr.