Miyerkules, Oktubre 31, 2018

Mga Asong Ulol

MGA ASONG ULOL

maraming tuwang-tuwang marami ang napapatay
tila sa buhay ng kanilang kapwa'y naglalaway
di na iginagalang ang karapatan sa buhay
kahit ang due process ay binabalewalang tunay

sa dugo ng kanilang kapwa'y parang mga linta
sarap na sarap sila pag may ibinubulagta
asong ulol silang siyang-siya sa ginagawa
paslang ng paslang kahit maraming ina'y lumuha

wala silang pakialam sa wastong paglilitis
dapat walang pinipili at dapat may due process
hulihin pag may ginawang krimen, dalhin sa huwes
pag napatunayan, ipiit, doon maghinagpis

mag-ingat, baka makagat ng mga asong ulol
sa mga kabaliwan nila'y kayhirap pumatol
pag sila'y naglalaway na'y iwasan mong mabundol
tumakbo kang mabilis at di iyan kumakahol

- tula ni gregbituinjr.
UNDAS 2018

Ang telebisyon

Minsan, pinatay ko ang telebisyong iyon
Pagkat pulos karahasan ang sinusunson
Animo'y walang magandang palabas doon
Na magsisilbi sanang isang inspirasyon.

Subalit telebisyon ay muling binuhay
Bakasakaling di na nagkalat ang patay
May maganda sanang palabas na matunghay
Na sa puso't diwa'y may inspirasyong taglay.

Muli kong pinatay ang telebisyon dahil
Ang mga palabas ay hinggil sa pagkitil
Ng buhay ng dukhang talagang sinisikil.
Ang mga karapatan nila'y sinusupil.

Ngunit nakababagot, naging mainipin
Walang mahagilap na iba pang gawain
Tinangkang telebisyon ay muling buhayin
Walang kuryente, di nagbayad ng bayarin.

- gregbituinjr.