Miyerkules, Oktubre 6, 2021

Kahinahunan

KAHINAHUNAN

inis talaga ako sa auto correct ng cellphone
kung di lang regalo ni misis, ito'y itatapon
subalit paano ang tula kung gagawin iyon
ngunit dahil maysakit, dapat maging mahinahon

buti't nariyan ang dati kong cellphone na maliit
na parang note pad siyang walang binabagong titik
kaya madalas sa pagtipa ay iyon ang gamit
upang hindi hina-high blood, lalo pa't nagka-covid

salamat kay misis sa madalas na paalala
na huwag ma-high blood, magsabi lang kung may problema
sabay tapik sa likod kong buong pag-aalala
habang ako'y huminahon, buti't nariyan siya

ang pasensya pala'y tulad ng malalim na dagat
na sisirin mo man, di basta maarok ang sukat
maging mahinahon, hingang malalim, ito'y sapat
upang gumanda ang daloy ng ating puso't ugat

- gregoriovbituinjr.
10.06.2021

Pagmumuni

PAGMUMUNI

magbasa-basa pa rin at patuloy na magrebyu
ng paborito mong paksa't sumusulpot na isyu
ano nang nangyayari sa klima, barangay, tribu

ayos lang isipin ang nadamang sakit at lumbay
ngunit huwag kalimutang may talino kang taglay
na habang nagpapahinga'y patuloy kang magnilay

huwag hayaang dahil sa sakit, laging tulala
parati pa ring magsuri, isulong ang adhika
ibahagi ang anumang naiisip sa madla

anong balita ang laganap ngayon sa daigdig?
covid nga ba'y nakakonsentra lang sa malalamig?
paanong sa kapayapaan, bansa'y makakabig?

bakit buga ng plantang coal ay nakasusulasok?
sa darating na halalan ay sinong iluluklok?
paano nga ba papalitan ang sistemang bulok?

nais kong manatiling nagsusulat, kumakatha
ilibot ang tingin sa paligid, kayraming paksa
salamat po sa nagbabasa ng katha kong tula

- gregoriovbituinjr.
10.06.2021

Sapantaha

SAPANTAHA

bakit ba lumaganap ang salot na di mapuknat
dahil ba bilyon-bilyon ang populasyon ng lahat
na hatian sa yaman ng lipunan na'y kaybigat
kaya naimbento ang covid, di ko madalumat

tulad ng dyenosidyo ng mga binhi, nauso
ang seedless, upang yaong mga binhi'y bibilhin mo
binhing may intellectual property rights ng negosyo
bibilhin mo sa korporasyong nagpatente nito

kaya magsasaka'y kawawa, binhi na'y bibilhin
sa nais kumontrol ng pinagmulan ng pagkain;
gayundin naman ang covid, tao'y nais patayin
dahil na rin sa hatian sa yaman at pagkain

marami mang nagpo-protesta sa G.M.O.ng salot
kung makapangyarihan ang negosyong nasasangkot
may magagawa ba tayo kung boses nati'y bansot
lalo't covid sa ating mundo'y kaytinding dinulot

- gregoriovbituinjr.
10.06.2021

Soneto sa tanawin

SONETO SA TANAWIN

nakasasabik pagmasdan ang magandang tanawin
na kung isa ka lang agila'y nais mong liparin
at pitong bundok na matatarik ay lampasan din

nakasasabik tanawin ang kaygandang pagmasdan
habang nakatambay sa bagong pinturang bakuran
kayputi ng alapaap, bughaw ang kalangitan

kaygandang pagmasdan ng tanawin, nakasasabik
na bibig ay parang asukal na namumutiktik
na tamis na nalalasap sa puso'y natititik

masdan mo't nakasasabik ang tanawing kayganda
lalo't iyong katabi ang tangi mong sinisinta
pagkat timyas ng pag-ibig ang pawang nadarama

anong ganda ng pagkakaukit ng panginorin
kaya nakasasabik pag minasdan ang tanawin

- gregoriovbituinjr.
10.06.2021

* mula sa karaniwang sonetong may taludturang 4-4-4-2 tulad ng Shakespearean at Petrarchian sonnet, ang nilikha ko'y may taludturang 3-3-3-3-2
* ang soneto ay tulang may labing-apat (14) na taludtod

Soneto kay Muning

SONETO KAY MUNING

nakasilip si Muning, tila may inaabatan
daga ba o pagbabalik ko ang inaabangan
siyang madalas kasabay ko sa pananghalian

kumusta na siya? kaytagal naming di nagkita
tila siya'y nangungulila sa aking presensya
siyang kasama kong natutulog sa opisina

alam ko, balang araw, magkikita kaming muli
ng kaibigang si Muning, sabay manananghali
ah, kaytagal na rin niyang sa opis nanatili

sabay muli kaming kakain ng pritong galunggong,
bangus, daing, dilis, habang pinapapak ko'y tutong
at may gulay din, kamatis, petsay, talbos, balatong

mabuhay ka, Muning! hintay lang, aking kaibigan
magkikita rin tayo't ako'y nagpapagaling lang

- gregoriovbituinjr.
10.06.2021

mula sa karaniwang sonetong may taludturang 4-4-4-2 tulad ng Shakespearean at Petrarchian sonnet, ang nilikha ko'y may taludturang 3-3-3-3-2
* ang soneto ay tulang may labing-apat (14) na taludtod