Martes, Abril 12, 2016

Paraan ng pamumuhay ang pagsasaka

PARAAN NG PAMUMUHAY ANG PAGSASAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pagsasaka'y hindi lamang isang simpleng trabaho
kundi paraan ng pamumuhay ng magbubukid
ang kinakain ng pamilya'y kinukuha dito
basta't masipag, sariwang gulay sa iyo'y hatid

buhay nila'y lupa, nasa lupa ang buhay nila
hahawanin, lilinangin nila ang lupang tigang
lupa'y pinagpapala ng kamay ng magsasaka
sasakahin, tatamnan ng gulayin, nililinang

ang paglilinang ng lupa'y may sambot na pag-ibig
sa pagsasaka natagpuan ang buhay na iwi
naroroong gulayin at pagsinta'y dinidilig
at sa dulo ng buhay ay sa lupa din uuwi

pinakakain nila ang lipunan kahit dukha
ngunit silang bumubuhay ang laging walang-wala

- kinatha sa basketball court na nagsilbi naming tulugan sa Brgy. Lusacan, sa Tiaong, Quezon, Abril 12, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Sinaing na Tulingan

SINAING NA TULINGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaysarap na pasalubong iyon sa aming martsa
sinaing na tulingang malinamnam sa panlasa
tamang-tama sa pagal naming katawan at paa
lalo sa gutom na't nakikibakang magsasaka
na layon sa martsa'y kamtin ang asam na hustisya

higit isangdaang magsasaka ang nagsikain
mayroong tuyong kalamyas na kaysarap papakin
kaylinamnam din ng patis ng tulingan sa kanin
nakabubusog sa bawat isa't walang nabitin
tiyak ang dalagang nagluto'y iyong iibigin

iyon ang sa martsa'y una naming pananghalian
na pinasasarap pang lalo ng aming kwentuhan
sadyang inihandog ng dinaanan naming bayan
tunay na pasasalamatan sa aming paglisan
upang maglakad muli sa gitna ng kainitan

- kinatha habang nagpapahinga sa isang open-air auditorium sa Candelaria, Quezon, Abril 12, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Paglalakad sa katanghaliang tapat

PAGLALAKAD SA KATANGHALIANG TAPAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang saya sa mukha ng magsasaka'y mababakas
tila natagpuan nila ang panibagong lakas
sa nagkakaisang adhikaing handog sa bukas
ng pamilya nila't bayang naghahanap ng lunas
sa tambak na mga suliraning dapat malutas

nagkakaisang lakas ang baon sa mga bisig
sa puso't diwa nila, bawat isa'y nananalig
na katuparan ng pangarap nila'y mananaig
di sila papayag na pawang luha ang dumilig
sa lupang kinalakhan nila, oh, nakaaantig

patuloy ang aming lakad, katanghaliang tapat
dama mong nanunuot ang init sa iyong balat
di kaya sa init ay may mawalan ng ulirat
mabuti nama't wala, habang ako'y nagsusulat
ang masasabi ko lang ngayon sa kanila: INGAT!

- kinatha sa isang open air auditorium sa Candelaria, Quezon na aming pinagpahingahan, katabi ng isang simbahan, Abril 12, 2016 makapananghali
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Martsa ng magsasaka mula Sariaya

MARTSA NG MAGSASAKA MULA SARIAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sasama ako sa higit sandaang kilometro
mula bayan ng Sariaya patungong Maynila
upang makiisa't magsasaka'y damayang todo
sa kanilang paglaban para sa hustisya't lupa

di ako magsasaka, di ako laki sa bukid
ngunit ang aking lolo't lola'y sa bukid nabuhay
lumaki sa sementado't aspaltadong paligid
ngunit sa laban ng magsasaka'y kaisang tunay

sasama ako sa kanila tangan ang adhika
na maiparating sa kalunsuran ang hinaing
ng mga magsasakang ang puso'y tigib ng luha
dahil sa kaharap nilang malalang suliranin

nawa sa lakbaying ito'y magkakaisang lahat
upang layunin at tagumpay ay makamtang sukat

- sinulat sa tapat ng simbahan ng Sariaya, Quezon, umaga ng Abril 12, 2016 bago magsimula ang martsa
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016