MANININDA LABAN SA PORK BARREL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
mga manininda'y nakiisa rin doon
laban sa pork barrel na ugat ng kurapsyon
pork barrel daw ay ilaan sa edukasyon
at di sa bulsa ng mambabatas na maton
pork barrel, ilaan sa pagkain ng dukha
para sa pabahay ng mga maralita
para sa kalusugan ng mga kawawa
pork barrel, tanggalin sa kamay ng kuhila
tanggalin sa kamay ng mga mambabatas
pagkat ninanakaw ng mga mambubutas
iyang kabangbayan ay binabalasubas
ng mga kawatan at trapong talipandas
kayraming pera ng gobyerno, kitang-kita
ngunit sa serbisyo'y kulang, ibinubulsa
kaya panawagan ng mga manininda
pork barrel, ilaan sa serbisyo sa masa