Sabado, Setyembre 22, 2012

Kultyural na Pagtatanghal


KULTYURAL NA PAGTATANGHAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nagpasya kanina ang guro't mag-aaral
na sila'y magdaos ng isang pagtatanghal
at mga kinatawan ng dalawang bansa
ang magtitiyak na ito'y maisagawa
nagkaroon kami ng kaunting programa
at ngayong gabi'y magtatanghal bawat isa
taga-Burma'y sumayaw ng pagliligawan
Pinoy ay tumula hinggil sa kabataan
taga-Burma'y naggitara't sila'y umawit
isang Pinoy ang nagtalumpating kay-init
ang Pinoy ay nagpalabas ng isang bidyo
na taga-Burma't Pinoy, nagkasama dito
hinggil sa nakaraan nilang aktibidad
kaninang umaga't sa seminar ay babad
ngunit syempre'y di mawawala ang pagkain
biskwit at inumi'y pinagsaluhan namin
anupa'y gabing ito'y tunay na kaysaya
na sadyang nagpahigpit ng pagkakaisa
yaong kultura nati'y magkakaiba man
mahalaga tayo'y nagkakaunawaan

- sa bulwagan ng DPNS School, Setyembre 21, 2012, gabi

Hinggil sa Gawaing Propaganda


HINGGIL SA GAWAING PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kahulugan ng propaganda'y pagbabahagi
ng paninindigan sa mga isyu ng uri
nang makaimpluwensya laban sa naghahari
at maipagtanggol ang mga naduduhagi

isyu ng laksang migrante'y paano malaman
ng mamamayan, isyu ba'y itatago lamang?
hindi! ito'y dapat ilantad sa buong bayan
di lang sa isang lunan, kundi sa daigdigan

nagkakatugma kaming aming nasa'y hustisya
mapawi ang pang-aapi't pagsasamantala
kaya kailangan natin ang magpropaganda
nang maipagtanggol at mapakilos ang masa

tayo na'y gagawa ng iba't ibang disenyo
ng ating kampanya't kakatha rin ng polyeto
ang ating batayan ay karapatang pantao
hustisyang panlipunan, matatag na prinsipyo

makibaka, manindigan tungong kalayaan
nasa bawat propaganda ang paninindigan
polyeto, pagpinta sa pader, pagdidikitan
ng mga papel na may sulat na panawagan

manggagawa, halina't maging propagandista
kaalamang ito'y gamitin para sa Burma
ipatagos yaong pagbabago ng sistema
at ng pangangailangan ng pagkakaisa

Pagtanaw sa Bundok at Maisan


PAGTANAW SA BUNDOK AT MAISAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paglampas ng dike, tabi ng pagoda'y maisan
kaylawak ng tanim ng mga obrerong dayuhan
at habang tinatanaw ang katabing kabundukan
lagay ng manggagawa't migrante'y napag-usapan

nabuo sa bukiring yao'y kayraming pangarap
bagamat manggagawa'y patuloy sa dusa't hirap
dinadalaw ng paglaya ang kanilang hinagap
pinaghahandaan ang bukas nila't hinaharap

sa kabila ng bundok, magsasaka'y mula Burma
nagtatrabaho na roon ng maagang-maaga
kayod kalabaw, ang tapos ng trabaho'y gabi na
tulad din ng mga manggagawang nasa pabrika

nababalot ng lungkot ang kanilang kasaysayan
lumayong pilit, nilisan ang bayang kinagisnan
nandarayuhan sa bundok na yaon at maisan
nagtiis upang gutom sa pamilya'y maiwasan

masdan mo ang bundok, dinggin ang lagaslas ng dahon
may pag-asa pa upang sa dusa tayo'y bumangon
sisilang ang bagong umaga sa dako pa roon
at manggagawa'y magtatagumpay sa rebolusyon

- Setyembre 21, 2012, hapon, habang nagpapahinga at nakikipagkwentuhan sa isang kagawad ng YCOWA sa isang bukid katabi ang isang pagoda

Pagdalaw sa Dalawang Pagoda

PAGDALAW SA DALAWANG PAGODA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

matapos ipaliwanag ang mga layunin
magpalitan ng kuro-kuro't mga sulatin
napagpasyahang sa hapon matapos kumain
ilang mga pagoda ang aming lilibutin

ang napuntahan namin ay dalawang pagoda
isang kaibigang Burmes yaong nakasama
una kaming dumako sa pagodang Aung Sia
na may kasaysayan ng digmaang Thai at Burma

ikalawa'y pagodang Mepa ang ngalang turing
minsan pagodang iyon ay Hunu kung tawagin
na sa dating pangulo ipinangalan mandin
ang bawat pagoda'y may kasaysayang malalim

pagkat minsan lang dumako sa lugar na ito
nanghiram na ng kamera't nang magkalitrato
katibayan na itong minsan man sa buhay ko
sa mga pagodang ito'y napadako ako

- Setyembre 21, 2012, paglalakbay sa Mae Sot

Karapatan ang Maghimagsik


KARAPATAN ANG MAGHIMAGSIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa buhay na ito'y di dapat maging dungo
pinahihirapan na'y tango pa ng tango
ang diwa ng paglaya'y atin nang ihango
at durugin yaong mga berdugong lango

yaong mga lango na sa kapangyarihan
yaong mapang-api sa kanyang mamamayan
dapat lamang silang ibagsak ng tuluyan
pagkat maghimagsik ay ating karapatan

- Setyembre 21, 2012, sa tanggapan ng Yaung Chi Oo

Uso ang A4 sa Mae Sot


USO ANG A4 SA MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mula roon sa tanggapan hanggang seroksan
tila isang sukat ang kanilang coupon bond
di kasi nagtanong sa mga kasamahan
akala ko'y tulad ng sa sariling bayan

kaiba sa kanila ang coupon bond natin
A4 yaong uso't mas mahaba sa atin
nagpapatunay itong magkakaiba rin
yaong kultura kahit sa bagay na angkin

simpleng bagay man, ito'y napakahalaga
magkakaibang sadya ang ating kultura
mahalaga'y pang-unawa sa bawat isa
bakit tayo'y ganito at ganoon sila

bawat pagkakaiba'y ating kilalanin
nang pagkakatulad ay maunawa natin

- Setyembre 21, 2012, nang magpa-xerox ng baligtaran matapos i-print ang isang sulating may dalawang pahina; kinakailangan pang gupitin ang papel upang magpantay

Talakayang Edsa Uno sa Mae Sot


TALAKAYANG EDSA UNO SA MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tinalakay ko sa mga kasamang Burmes
sa Mae Sot yaong naganap na Edsa Uno
inspirasyon daw ito na kanilang nais
na balang araw ay magawa nila ito

mangyayari iyon kung lahat ay kikilos
di ito makukuha sa pagtutunganga
kailangang wakasan ang pagkabusabos
ang pakikibaka'y daanin sa tiyaga

tatlong Edsa nga'y naganap sa Pilipinas
ang naunang dalawa'y malaking tagumpay
na inagaw nitong elitistang pangahas
ang huli'y bigo, nanguna'y ang masang tunay

ang bawat rebolusyon ng masa'y aralin
mahalagang balikan yaong kasaysayan
iwaksi yaong mali, ang maganda'y kunin
at subukan mong gawin sa sariling bayan

magkakaiba rin ang bawat rebolusyon
Edsa Uno'y iba sa Rebolusyong Saffron
bawat rebolusyon ay may tamang panahon
huwag padalus-dalos, magpakahinahon

wala ring rebolusyong sadyang kopyang-kopya
pagkat bawat sitwasyon ay magkakaiba
mahalaga'y ipanalo ito ng masa
at huwag ibigay sa mga elitista

- napag-usapan ang Edsa Uno sa pulong ng mga kagawad ng Yaung Chi Oo, Setyembre 21, 2012