Huwebes, Mayo 26, 2022

Sumpa

SUMPA

nanumpang gagawin daw ang lahat para sa bayan
ngunit buwis na dalawang bilyon, di mabayaran
ganyan ba, ganyan ba ang gagawin para sa bayan?
hanggang diyan ba'y puno rin ng kasinungalingan?

"ikaw kaya ang magpresidente" ang sasabihin
nagbabanal-banalan ang kilalang sinungaling
"ikaw kaya ang may Tallano gold" sabihin mo rin
"upang tulad mo boto'y mabili rin naman namin"

"may ebidensya ka ba? ilabas mo, dalian mo
kung walang maipakita'y tumahimik ka, gago!"
"lumaban man kami'y wala kaming pulis, sundalo
na pwede mong utusan laban sa mamamayan mo"

"kung wala pala kayong ebidensya, manahimik
kung ayaw ninyong mga mata ninyo'y magsitirik"
galit niyang sabi, ito ang tugon nami't hibik:
"di kami tatahimik kung diktadura'y ibalik!"

datapwat wala pa ring tiwala ang sambayanan
sa anak ng pinatalsik noon sa Malakanyang
patuloy at mahigpit na magmamatyag ang bayan
nang panahong kasumpa-sumpa'y di magbalik naman

- gregoriovbituinjr.
05.26.2022

Inuman

INUMAN

naroon ako sa tunggaan
at nakipagbalitaktakan
ng ideya ng kasawian,
ng kasiyahan, ng kawalan

habang kabalitaktakan ko'y
kung anu-anong binabato
aba'y di naman bote't baso
kundi ideya sa diskurso

bakit ba puso'y nangangatal
pag nakita'y dalagang basal
bakit may nagpapatiwakal
sa pag-ibig nagpakahangal

patuloy ang aming pagtungga
nang paksa'y mapuntang kaliwa
na makatao ang adhika
ang kanan ba'y pasistang sadya

ang tanggero'y nawiwili rin
sa marami naming usapin
bago mag-uwian, nagbilin
bayaran ang ininom namin

- gregoriovbituinjr.
05.26.2023

Soneto 98

SONETO 98
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg)

Mula sa iyo na sa tagsibol ako'y nawalay
Ipagyabang man ni Abril sa kanyang buong gayak
Diwa ng kabataa'y nilapat sa bawat bagay
Malaking Saturno'y kasamang tumawa't lumundag.
Gayunman, salay ng ibon o amoy na kaytamis
Ng samutsaring bulaklak sa samyo't kulay niyon
Baka sa akin malikha ang kwento ng tag-init
O bunutin sa kandungan nila kung laki roon;
Ni sa kaputian ng liryo'y di ako nagtaka
Ni purihin ang rosas sa pagkapulang kaytindi
Silang anong tamis bagamat anyo'y kaysasaya
Iginuhit matapos mong ayusing makandili
Datapwat taglamig pa rin, malayo ka na't wala
At sa anino mo'y naglaro akong walang sawa

- gregoriovbituinjr.
05.26.2022

Tugmaan:
abab - katinig na mahina a; katinig na malakas a;
cdcd - katinig na malakas i; katinig na mahina o;
efef - patinig na walang impit a; patinig na walang impit i;
gg - patinig na may impit a

SONNET 98
from the book The Sonnets by William Shakespeare, Collins Classics

From you have I been absent in the spring,
When proud-pied April, dress'd in all his trim,
Hath put a spirit of youth in every thing,
That heavy Saturn laugh'd and leap'd with him.
Yet nor the lays of birds, nor the sweet smell
Of different flowers in odour and in hue,
Could make me any summer's story tell,
Or from their proud lap pluck them where they grew;
Nor did I wonder at the lily's white,
Nor praise the deep vermilion in the rose:
They were but sweet, but figures of delight;
Drawn after you, you pattern of all those.
Yet seem'd it winter still, and, you away,
As with your shadow I with these did play.

Dignidad

DIGNIDAD

wala sa pagsasalita ng Ingles ang dignidad
kundi sa pagpapakatao't kabutihang hangad
kaygandang payo ni Lola Flora ay inilantad
ni Carlo Dalisay, sa burol nito'y inilahad

ang dignidad ay nasa pakikipagkapwa-tao
di iyon nakikita sa pagiging Inglesero
kunwa'y may pinag-aralan, Ingles doon at dito
ngunit ganid, sa Ingles nanghihiram ng respeto

kapwa Pinoy ang kaharap ngunit pa-Ingles-Ingles
nasaan na ang dignidad kung ganito ang nais
mayabang, palalo, sukaban, ah, nakakainis
sa Kartilya ng Katipunan, ito:y nagkahugis

kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari nga
o sa pagkapari, tangos ng ilong, puting mukha;
kahit laking gubat, batid lang ay sariling wika
ngunit nakikipagkapwa'y may dignidad ngang sadya

ang payong iyon ni Susan Roces kay Coco Martin
ay magandang aral para sa henerasyon natin
ang Kartilya't payo ni Susan pag sinabuhay din
tunay na malaking tulong sa bayan at sa atin

- gregoriovbituinjr.
05.26.2022