Sabado, Hulyo 5, 2008

Panulat sa Labas ng Mundo

PANULAT SA LABAS NG MUNDO
ni Greg Bituin Jr.

(“US scientists from NASA spend untold sums to develop a pen that could write in weightlessness in space. Russian solution: use pencil.” Ito ang sinipi ko mula sa isang magasin at itinala ko sa aking lumang notbuk, na nahalungkat kong muli, at ngayo’y ginawan ko ng tula.)

Minsan sa magasin ay aking nabasa:
Nagpilit lumikha ng ‘sang klaseng pluma
Itong mga Amerikanong syentista
Na pawang nagtatrabaho dun sa NASA.

Gumugol ng napakalaking halaga
Sa misyong ito ang bansang Amerika
Pagkat nais nilang maimbentong pluma
Makasulat sa labas ng atmospera.

Sa daigdig ay malakas ang grabidad
Anumang ipukol agad bumabagsak
Sa labas ng mundo’y kayhina ng hatak
Kaya ang pluma’y di agad makasulat.

Sa suliranin ang Ruso’y nanorpresa
Agad nilutas ang nasabing problema
Paggamit ng lapis ang solusyon nila
Maraming natuwa sa pagkaresolba.

Sa lapis ay di na problema ang tinta
Di gaya ng ninanais nilang pluma
Payo pag sila’y nasa kalawakan na
Ay tiyakin laging maydalang pantasa.

Pangyayaring ito pag pinagnilayan
May mabuting aral na pinatunguhan
Komplikadong problema’y malulunasan
Basta’t mataman nating pag-iisipan.

Sampaloc, Maynila
Hulyo 4, 2008

Nasaan ka, Kasamang Carlos Forte

NASAAN KA, KASAMANG CARLOS FORTE
ni Greg Bituin Jr.
(nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 18)

Ang dugo mong tumilamsik at natuyo sa tigang na lupa ay isang sakripisyong hindi mawawaglit sa aming isipan
At ngayon, kasamang Carlos Forte, nakikita ka namin sa karamihan ng naghihirap na naghahangad ng pagbabago sa lipunan
Nasa mga kuyom na kamao ka ng mga aktibistang nagrarali sa Mendiola
Nasa mga mata ka ng mga organisador na handang ilaan ang kanilang panahon at kakayanan para sa ikalalaya ng masa
Nasa mga sikmura ka ng mga maralitang inalisan ng bahay ng mga berdugo, kaya ngayo’y walang matirhan at nagugutom
Nasa mga nangangalog na tuhod ka ng mga vendors na nilalapastangang parang hayop sa lansangan
Nasa mga lalamunan ka ng mga magsasakang inagawan ng lupang sinasaka
Nasa mga dibdib ka ng mga kababaihang pinagsasamantalahan, at ngayo’y humihingi ng hustisya
Nasa mga payat na bisig ka ng mga manggagawang biktima ng kontraktwalisasyon
Nasa mga noo ka ng mga estudyanteng nagninilay kung bakit may kakaunting mayayaman habang laksa-laksa ang naghihirap
Nasa lmga uha ka ng mga magulang ng dalawang sanggol na namatay sa marahas na demolisyon sa Navotas
Nasa mga ugat ka ng mga aktibistang patuloy sa pagsisiwalat ng katotohanan hinggil sa kabalintunaan ng lipunan
Nasa mga dugo ka ng mga desaparesidos na sapilitang dinukot at ngayon ay hindi pa natatagpuan
Nasa mga buto ka ng mga bilanggong pulitikal na naghahanap ng katarungan at kalayaan
Nasa mga bungo ka ng mga maralita’t manggagawang pinaslang ng mga berdugo ng estado’t kapitalista
Kasamang Carlos Forte, hangga’t lugmok sa katinuan ang naghaharing iilan
Hangga’t nakatitigatig ang mga ngisi ng mapang-aping gahaman
Hangga’t nababagabag ang mga manggagawa’t maralitang nahihirapan
Hangga’t may takot na nananahan sa bawat pitlag ng puso ng karamihan
Hangga’t ang bawat hataw ng kapitalismo ay nakahihiwa ng laman
Naririto ka, kasamang Carlos Forte
Naririto ka sa bawat dalamhati ng masang lumalaban para sa kanilang karapatan
Naririto ka sa bawat pasa ng mga aktibistang nagnanais pumiglas sa higpit ng tanikala
Naririto ka sa bawat sugat ng mga manggagawang patuloy na nakikihamok sa lupit ng sistema
Naririto ka, kasamang Carlos Forte, at patuloy kang dumadaloy sa dugo ng mapagpalaya

Ang Gyera ay Di Isang Rebolusyon

ANG GIYERA AY DI ISANG REBOLUSYON!
ni Greg Bituin Jr.

Ang giyera ay di isang rebolusyon
Pagkat dal’wang ito’y kaiba ng tugon
Sa kahirapan nga’y digma’y di solusyon
Kaya’t sa paghambing ay baka magumon.

Giyera’y paghawak ng baril at kanyon
Kaaway madurog ang pangunang layon
Girian ng lakas ang kanilang hamon
Pag utak mo’y digma isip mo’y nalason.

Rebolusyon’y hindi digma ang kapara
Kung lipuna’y layong mabago ang kara
Alisin ang lider kung ‘sang palamara
Nang ang pamayana’y madamdam ang gara.

Sagot sa problema’y di digmaang bayan
Kundi pagsusuri sa ating lipunan
Hindi baril kundi tayo’y magdamayan
Nang sistemang bulok ay ating palitan.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2001, p.8.

Hinggil sa Balitang Hoarding ng Bigas

HINGGIL SA BALITANG HOARDING NG BIGAS
ni Greg Bituin Jr.
(lalabinlimahing pantig bawat taludtod)

Nabubulok ang mga bigas sa mga bodega
Itinatago ng mga tusong kapitalista
Gayong ang mga nagugutom ay nangaglipana
Nang dahil sa tubo, nahan na ang konsensya nila?

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8.

Walang Panginoon

WALANG PANGINOON

ni Greg Bituin Jr.


Kapag may panginoon, may alipin.

Kapag may alipin, walang kalayaan.

Kapag walang kalayaan, walang dignidad.

Kaya ano ang dapat?

Dapat walang panginoon,

Upang walang alipin.

Dapat walang alipin,

Upang may kalayaan.

Dapat may kalayaan,

Upang may dignidad.

Sa madaling salita

Kapag walang panginoon

Saka lamang mararamdaman

Ng tao na siya’y

May kalayaan

At dignidad.

Dalawang Mundo

DALAWANG MUNDO
ni Greg Bituin Jr.

Naroroon sa barung-barong
mga maralita’y masasaya
bagamat sila’y naghihirap.
Naroon naman sa mansyon
ang mga mayayamang
natatakot baka makidnap.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2002, p.8.

Ang Nais Naming Kapayapaan

ANG NAIS NAMING KAPAYAPAAN

ni Greg Bituin Jr.

(sasampuing pantig bawat taludtod)


Kapayapaan ang nais namin

Ngunit hindi ang kapayapaan

Ng nakahimlay sa sementeryo

Kundi mula sa hustisya sosyal.

Hippocratic Coat

HIPPOCRATIC COAT
ni Greg Bituin Jr.

Sila ay sumumpang una itong bayan
Uunahin itong merong karamdaman
Bakit pag dumating ay isang duguan
Ang hihingin agad ay ang kabayaran?

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2001, p.8.

Resign All

RESIGN ALL

ni Greg Bituin Jr.

(sasampuing pantig bawat taludtod)


Sambayana’y ating ipagtanggol

Laban sa gobyernong nauulol

Mga pinuno’y sadya ngang bopol

Kaya’t ating isigaw, “Resign All!”

Terorista ng mga Vendors

TERORISTA NG MGA VENDORS
ni Greg Bituin Jr.
(waluhang pantig bawat taludtod)

Sila’y dakilang utusan
ng gobyerno sa lansangan.

At ang utos ng pinuno’y
agawin itong paninda
ng mga vendor sa daan.

Sunugin hanggang maabo
at maubos ang kapital
ng kawawang manininda.

Nilalapastangan nila
ang karapatang mabuhay
at makapaghanapbuhay
nitong vendors sa lansangan.

Hindi lang sila utusan
kundi mangungulimbat din
pagkat ninanakawan pa’y
mga kawawang tindera.

Sila’y pawang teroristang
kaluluwa’y halang, siga,
uto-uto, walang puso.

Ang mga panindang yao’y
inutang lamang sa Bumbay
upang may maipakain
kay Bunsong panay ang iyak.

- edited version ng unang nalathalang tula sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2002, p.8.

Hibik sa Taga-Sitio Mendez

HIBIK SA TAGA-SITIO
ni Greg Bituin Jr.
(Alay sa mga maralita ng Sitio Mendez, Baesa, Lunsod Quezon, na dinemolis sa kanilang lugar at nakabalik makalipas ang isang buwan sa kanilang lugar.)

O, Sitio Mendez, sa kasalukuyang lipunan
Bibihira ang gaya mong matindi ang paninindigan
Pero di lamang ikaw ang dapat lumaya sa putikan
Kundi buong anakpawis na sadlak sa kahirapan.

Kaya kaiingat kayo, at baka mabukulan
Huwag magpatulog-tulog diyan sa pansitan
Dahil kung hindi’y baka kayo maisahan
Maulit na muli ang mapait na karanasan.

Kaya’t panawagan nami’y inyong pakinggan
Panahon na upang baguhin ang sistema ng lipunan
Na siyang nagsadlak sa atin dito sa karalitaan
Panahon nang durugin ang pagpapasasa ng iilan.

Halina’t ipagpatuloy ang ating mga nasimulan
Agawin sa buwaya’t buwitre ang kapangyarihan
Ibigay sa uring anakpawis ang yaman ng lipunan
Tanggalin ang gapos, palayain ang sambayanan.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2001, p.8.