Sabado, Abril 2, 2016

Hindi dugo ang pandilig sa lupang tigang

HINDI DUGO ANG PANDILIG SA LUPANG TIGANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mga magsasaka ang sa bukid naglinang
subalit gutom ang nanalasa sa parang
nagrali laban sa gutom subalit hinarang
pinagraratrat sila ng may utak-halang
ang tugon na ba sa gutom ay pamamaslang?
hindi dugo ang pandilig sa lupang tigang!

unang araw ng Abril nang sila'y binira
tila uhaw sa dugo ang mga pasista
masama na bang kumilos at magkaisa
upang di magutom ang kanilang pamilya
araro't tinig ang armas ng magsasaka
ngunit punglo ang ganti ng kawal-pasista

* kinatha matapos ang condemnation rally ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa tapat ng Kampo Crame, Lungsod Quezon, Abril 2, 2016, kaarawan ni Balagtas

Dahas ng punglo sa Kidapawan

DAHAS NG PUNGLO SA KIDAPAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

naligalig ang diwa sa nabalitaan
dinahas ang magsasaka sa Kidapawan
may ilang nasawi at kayraming sugatan
muling ginambala ng dahas itong bayan

El Niño ang dahilan, wala nang makain
bitak na yaong lupa't wala nang pananim
mga tao'y gutom na't sadyang naninimdim
nagprotesta sila nang nangyari'y mapansin

napakapayak ng kanilang hiling: bigas
ngunit ang sinalubong sa kanila'y dahas
binira ng kapulisan, dalawa'y utas
bala ang binigay ng mga talipandas

kagutumang yaon nga'y nakasisiphayo
ngunit isinalubong pa'y dahas ng punglo
panagutin ang mga berdugong palalo!
katarungan sa mga nagbubo ng dugo!

* binasa sa condemnation rally sa tapat ng Kampo Crame, Lungsod Quezon, ika-2 ng Abril, 2016, kaarawan ni Balagtas