Biyernes, Setyembre 28, 2012

Tuloy ang Laban para sa Demokrasya sa Burma


TULOY ANG LABAN PARA SA DEMOKRASYA SA BURMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

di pa tapos ang ating laban, mga kasama
di pa nakamtan yaong asam na demokrasya
tuloy ang laban natin sa paglaya ng Burma
pagkat tayong narito'y internasyunalista

sinong magtutulungan kundi tayo ngang tibak
kasama ang obrero't ang masang hinahamak
dinilig na ng dugo ang maraming pinitak
baguhin ang sistema't mapang-api'y ibagsak

halikayo, kasama, kumilos tayong sabay
organisahin pati mga anak ng lumbay
pagkat ang pagbabago'y di natin maaantay
ikampanya ang tama't lipunang pantay-pantay

di pa tapos ang laban natin, mga kasama
tuloy ang ating laban sa paglaya ng Burma

- Setyembre 27, 2012, sa tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Lungsod Quezon

Pagbabalik sa Bayang Sarili


PAGBABALIK SA BAYANG SARILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ngayong nakabalik na sa sariling bayan
lilimutin ba ang nagdaang karanasan?
mababalewala ba yaong natutunan?
o nag-aalab pa ang diwa't kalooban?
upang tulad ni Che Guevara'y ipaglaban
ang kaytagal nang ninanasang kalayaan

aba'y hindi po titigil ang inyong lingkod
na magrebolusyon ay ikinalulugod
dito sa bansa'y di lang kami manonood
paglaya ng Burma'y aming itataguyod
ngunit masa niya mismo'y dapat kumayod
upang diktadurya'y kanilang mapaluhod

kaysarap mang bumalik sa bayang sarili
ngunit bilang tibak dapat kaming magsilbi
sa ngayon, makikibaka't kikilos kami
upang bukas ay wakasan ang mga imbi
lalo ang sistemang sa masa'y bumibigti
sa Burma't Pilipinas man, narito kami

tuloy ang laban, puno man ng sakripisyo
saanman maparoon ay kikilos tayo
ibagsak ang diktadurya't mga berdugo
ilagay sa pedestal ang masa't obrero
na pawang lumikha ng ekonomya't mundo
tuloy ang pakikibaka, mabuhay kayo!

- Setyembre 27, 2012, sa tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Lungsod Quezon

Salamat, Mga Kasama

SALAMAT, MGA KASAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

matapos ang unos, tanaw mo'y bahaghari
na sa duluhan nito'y mayroon daw gusi
laman daw ay gintong magaganda ang uri
na di basta-basta makukuhang kaydali

tulad din ng mga Pinoy na nakasama
mga bagong kasamang ginto ang kagaya
doon sa Mae Sot, nagtulungan sa tuwina
habang nakiisa sa mga taga-Burma

turing sa isa't isa'y tila magkapatid
salamat sa inyo, Jehhan, Raniel, Sigrid
pagsasamahan nati'y di dapat mapatid
taas-noong pagpupugay ang aking hatid

maaring di sapat ang salitang "Salamat!"
ngunit dapat bigkasin kahit sa panulat
tandang minsan man, nagkasama tayong apat
doon sa Mae Sot upang sa iba'y magmulat

mahalagang unawain natin ang Burma
habang sa Pilipinas ay nakikibaka
mabuhay kayo’t salamat, mga kasama
salamat sa karanasan at alaala

- Setyembre 27, 2012, sa NAIA 2

Paglisan sa Bangkok


PAGLISAN SA BANGKOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

lumisan kaming Bangkok, taglay ang pag-asa

na kahit paano'y may natutunan sila

sa amin at kami'y natuto sa kanila

pag-asang patuloy yaong pakikibaka

upang lumaya sa pagkaapi ang masa

upang tuluyang bumagsak ang diktadura

upang mapalitan ang bulok na sistema

upang maitayo na ang malayang Burma

- Setyembre 27, 2012, sakay ng PR 753 mula sa Suvarnabhumi International Airport, Bangkok, umaga