Linggo, Marso 12, 2023

Para kanino nga ba ang pag-unlad?

PARA KANINO NGA BA ANG PAG-UNLAD?

"Hindi nga masama ang pag-unlad
Kung hindi nakakasira ng kalikasan"
- mula sa walang kamatayang awiting Masdan Mo Ang Kapaligiran ng bandang ASIN

patuloy ang kaunlaran ng ating kabihasnan
mga gusali't kondominyum ay nagtatayugan
mga bagong tulay na ginawa'y naghahabaan
habang pinapatag naman ang mga kabundukan

ginamit ang fossil fuel para raw sa pag-unlad
sangkaterbang coal plants pa ang itinayo't hinangad
kinalbong bundok at gubat ay talagang nalantad
habang buhay ng tao'y patuloy na sumasadsad

sinemento ang mga bakong lansangan sa lungsod
pati mga daan upang maging farm-to-market road
ang mga tiwangwang na lupa'y nilagyan ng bakod
bumundat ang kapitalistang nambarat sa sahod!

lumikha ng mga eroplano't barkong pandigma
nagpataasan ng ihi ang iba't ibang bansa
sinugod pa ng Rusya ang Ukraine, nakakabigla
sa isyung klima, Annex 1 countries ang nagpalala

di raw masama ang pag-unlad, lagi nilang sambit
kung di sisira sa kalikasan, dagdag ng awit
pag-unlad ba'y para kanino? tanong na malimit
para sa iilan? di kasama ang maliliit?

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023

Sa lilim ng puno

SA LILIM NG PUNO

kaysarap magsulat sa lilim ng puno ng duhat
lalo't dinibdib ang kwento't paksang nadadalumat
tilad-tilarin ang usaping nakakapagmulat
natipong akda balang araw ay maisaaklat

nakakatula sa lilim ng puno ng kalumpit
napagninilay ang kalagayan ng mga paslit
nailalarawan ang buhay ng dukhang ginipit
ng mga imbi't tiwali na talagang kaylupit

may naaakda sa lilim ng puno ng apitong
bakasakaling may maibahagi sa pagsulong
ng bayan habang nasa gitna ng mga paglusong
upang mahuli ang alimangong pakitong-kitong

kaygandang kumatha sa lilim ng puno ng nara
kung bakit inaasam ang panlipunang hustisya
kung paano daw ba pagkakaisahin ang masa
upang matamo ang nasang tunay na demokrasya

nakakapagkwento sa lilim ng puno ng niyog
hinggil sa bayan-bayan at lalawigang kanugnog
paano ba ginagawa ang alak na lambanog
at anong pagkain ng diwa ang nakabubusog

kwentong kaligtasan sa lilim ng puno ng dita
nang dumaluyong ang Ondoy, buhay ay nangawala
iba'y nangunyapit sa dita't naligtas sa sigwa
kayraming lumuha ng buong bayan na'y binaha

naakda'y sanaysay sa lilim ng puno ng dapdap
kung paano ba kamtin ang asam nila't pangarap
kung paano ba isatitik ang mga hinagap
ano ang simuno't panaguri sa pangungusap

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023

Ngiti

NGITI

kayganda ng umaga
animo'y sumisinta
may ngiti't anong saya
batid mong may pag-asa

sana'y ganyan palagi
nang makamit ang mithi
punong-puno ng ngiti
sa ating mga labi

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023

* litrato mula sa pinta sa pader ng ZOTO DayCare Center sa Towerville, SFDM, Bulacan

Ina, anak, ama

INA, ANAK, AMA

noong bata pa'y akay ako nina ina't ama
upang maglakad-lakad at mamasyal sa Luneta
pinakain, pinaaral, at inaruga nila
sa ating paglaki, magulang ang gabay tuwina

ngayong matanda na sila'y ako namang aakay
hanggang huling sandali ng kanilang pamumuhay
anumang kailangan, basta mayroon, ibigay
tulad noong ako'y bata pa't sila ang patnubay

dahil inugit iyon ng tungkulin at pag-ibig
inalagaan kang mabuti't kinarga sa bisig
umunlad ang isip, narinig ang tinig mo't tindig
ang kinabukasan mo'y inihanda sa daigdig

inasikaso kang tunay mula ika'y isilang
hanggang lumaki ka na't magtapos sa pamantasan
nagtrabaho, sumahod, bukas ay pinag-ipunan
tatakbo ang panahon, sasapit ang katandaan

huwag kalimutan silang nag-aruga sa atin
anak man tayo ng bayan at di nila maangkin
pagpapakatao't kabutihan ang pairalin
ganyan ang siklo ng buhay kung pakakaisipin

- gregoriovbituinjr.
03.12.2023

* litrato mula sa google