Biyernes, Agosto 6, 2021

Ituring man akong makatang hampaslupa

ITURING MAN AKONG MAKATANG HAMPASLUPA

kahit ituring pa akong hampaslupang makata
ay magpapatuloy pa rin sa layon ko't adhika
habang nakatalungko sa loob ng aking lungga
at pinagninilayan ang mga isyu ng dukha

makatang hampaslupang malayo ang nilalakad
nang kapwa dukha'y kausapin saanman mapadpad
upang mapang-api't bulok na sistema'y ilantad
at sa pamamagitan ng kathang tula'y ilahad

hampaslupang makatang madalas ay nasa rali
ng obrero, magsasaka't maralitang kakampi
tibak na isyu ng maliliit ang sinasabi
pinakikitang may pakialam sa nangyayari

makatang hampaslupang may layuning ilarawan
ng patula ang pagsasamantala sa lipunan
hangad ay pagbabago't paggalang sa karapatan
nang kamtin ng bayan ang panlipunang katarungan

hampaslupang makatang matatag at may prinsipyo
nilalabanan ang pang-aabuso't abusado
nagnanasang magtatag ng lipunang makatao
nang walang pagsasamantala ng tao sa tao

makatang hampaslupang tigib ng pagdaralita
hampaslupang makatang tipid sa pagsasalita
dukha man, dignidad ay inaalagaang pawa
dangal ko'y huwag salingin, lalaban akong sadya

- gregoriovbituinjr.
08.06.2021

* litratong kuha noong SONA 2021 sa Commonwealth Avenue sa Lungsod Quezon

Agosto'y Buwan ng Wika't Kasaysayan


AGOSTO'Y BUWAN NG WIKA'T KASAYSAYAN

parang pinagtiyap ng pagkakataon ba naman
para sa mga makata't manunulat ng bayan
na pagsapit ng Agosto'y may dobleng pagdiriwang
pagkat buwang ito'y Buwan ng Wika't Kasaysayan

napili itong buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wika
sa buwang sinilang ang Ama ng Wikang Pambansa
Agosto'y makasaysayan nang sinilang ang bansa
nang sedula'y pinunit ng Katipunerong sadya

sinabatas ang dalawang pagdiriwang na ito
upang halaga nito'y alalahanin ng tao
bansang may sariling wika't kasaysayang totoo
bilang pagsulong ng identidad ng Filipino

kasaysayan ay talakayin sa wikang sarili
habang sariling wika'y gamiti't ipagmalaki
at sa pamamagitan nito tayo'y nagsisilbi
sa sambayanan na marapat lamang ipagbunyi

- gregoriovbituinjr.
08.06.2021

* Ang Agosto bilang Buwan ng Wikang Pambansa ay batay sa Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, habang ang Agosto bilang Buwan ng Kasaysayan ay batay naman sa Proklamasyon Blg. 339, s. 2012

Sa muling pagtatahi ng gunita

SA MULING PAGTATAHI NG GUNITA

muli na naman akong nagtatahi ng gunita
binabalikan ang alaala ng pagkabata
hanggang sapitin ang panahon ng pagbibinata
pati na kung paano magsimulang magmakata

natutong ipagtanggol ang karapatang pantao
at panlipunang hustisya'y ipaglabang totoo
niyakap ng kusa ang mapagpalayang prinsipyo
hanggang sa huling hininga'y ipagtatanggol ito

asawa'y nakilala sa isyu ng kalikasan
usapin ng basura't plastik ay pinag-usapan
pageekobrik at iba't ibang isyu'y nalaman
at naimbitahang magsalita sa paaralan

subalit di ko maiwan ang pagkatha ng tula
at isulat at bigkasin ang samutsaring paksa
sa parlamento ng lansangan, sa harap ng madla
ipinahahayag ang nasasaloob at diwa

mula sa gunita, mga salita'y tinatahi
nang lalong pahigpitin ang bigkis sa minimithi
napapatunganga sa ulap ng ilang sandali
habang sa aking lungga'y naritong nakalupagi

- gregoriovbituinjr.
08.06.2021

* litratong kuha noong SONA 2021 sa harap ng NHA

Bilin sa sarili

BILIN SA SARILI 

huwag kang mag-isip ng tula habang nagsasaing
tingnan ang ginagawa hanggang sa ito'y mainin
mahirap nang dahil dito'y masunugan ng kanin
ah, di masarap ang sunog, iyong pakaisipin

huwag humarap sa webinar habang nagluluto
huwag tumutok sa kompyuter habang kumukulo
ang nilaga't baka sa pagmamadali'y mapaso
pagluluto'y tapusin munang may buong pagsuyo

habang ginagawa ang tulang ito'y tigil muna
tapos na ba ang niluluto mo't nawiwili ka
oo nga pala, baka sinasaing ko'y sunog na
teka lang, sandali, at salamat sa paalala

bilin iyan sa sarili upang di masunugan
ng niluto't sumarap naman ang pananghalian

- gregoriovbituinjr.
08.06.2021

Sa unang araw ng panibagong lockdown

SA UNANG ARAW NG PANIBAGONG LOCKDOWN

napakatahimik ng paligid, umuulan man
walang mga tao sa labas, walang halakhakan
simula na ng lockdown, walang tao sa lansangan
gayunpaman, ang bahay at buhay ay pag-isipan

bawal lumabas lalo't panahon ng kwarantina
sana'y may tinago kang pagkain, may bigas ka pa?
pinaghandaan mo ba ang pagkain ng pamilya?
subalit paano kung sa bahay ay nag-iisa?

malungkot, walang trabaho, di ka rin makalabas
ikutin ang mata sa paligid, magpunas-punas
magtanggal ng alikabok, i-tsek kung meron pang gas
labhan ang damit, linisin ang sapatos, tsinelas

magluto lang ng sapat upang di kayo gutumin
lalo sa panahon ng lockdown, magtipid-tipid din
pag nakapag-imis sa paligid saka isipin
ang ibang gawain, tulad ng balak na sulatin

labinlimang araw na lockdown, kaytagal na lubha
nasa loob man ng bahay ay huwag tumunganga
kayraming lilinisin, lalabhan, maraming gawa
pagandahin ang paligid upang di maasiwa

- gregoriovbituinjr.
08.06.2021

* Muling pinairal ng pamahalaan ang mahigpit na lockdown sa Metro Manila mula Agosto 6 hanggang 20, 2021

Isang tula sa Buwan ng Wika

ISANG TULA SA BUWAN NG WIKA

pinagtanggol na ni Asedillo ang sariling wika
bago pa si Quezon maging Ama ng Wikang Pambansa
kung propagandista'y Espanyol ang ginamit na wika
sa mga Katipunero'y tampok ang ating salita

bilang makata, tinitingala ko silang idolo
upang payabungin pa't paunlarin ang wikang ito
ang makita sa U.P. Diksiyonaryong Filipino'y
ginagamit ko sa tula't binabahagi sa tao

tayo ang bansang sinasalita ang wikang sarili
ngunit pagdating sa dokumento'y isinasantabi
pawang nakasulat sa Ingles, tayo mismo ang saksi
kahit na sa ating batas, sa Ingles tayo nawili

di rin natin ginagamit ang katutubong baybayin
o magtatag ng pahayagang baybayin ang sulatin
mga akda man ng bayani'y sa baybayin limbagin
na paraan din upang sariling wika'y paunlarin

kaya ngayong Buwan ng Wika'y muling pahalagahan
ang mga tagapagtanggol ng wika ng sambayanan
bayani ng wikang sarili'y halina't pagpugayan
habang pinauunlad din natin ito ng tuluyan

- gregoriovbituinjr.
08.06.2021