Martes, Marso 3, 2015

Pagsampalataya sa manggagawa

PAGSAMPALATAYA SA MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di totoong kami'y may sampalataya sa wala
o kaya naman ay wala kaming sampalataya
may sampalataya kami sa uring manggagawa
pag sila'y nagsibangon, di basta mapapahupa
ang sama-samang lakas nilang babago sa bansa
lipunang bago'y nasa ng hukbong mapagpalaya

mahirap sumampalataya sa wala, mahirap
pagkat kawalan nito'y kawalan din ng pangarap
pangarap naming bagong mundo'y dapat maging ganap
at ang uring manggagawa ang ating hinaharap
sa pagtatayo ng bagong sistema'y magsisikap
upang kaginhawahan sa daigdig ay malasap