Huwebes, Nobyembre 12, 2009

Yosi Kadiri

YOSI KADIRI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

tambutso'y nasa mukha
hinagkan ng bunganga
umusok hanggang luga
hangin man ay kawawa
mukha mang isinumpa
damdamin na'y humupa

Walang Patawad ang Kalikasan

WALANG PATAWAD ANG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

si Bathala raw ay nakakapagpatawad
kahit tao rin ay nakakapagpatawad
ngunit pag kalikasan ang iyong hinangad
dahil sa tubo'y sinira mo't binaligtad
niyurakan pa buhay ng tao't dignidad
ang ginawa mo'y tiyak di mapapatawad
at tiyak bukas natin ay di na uusad
pagkat ang kalikasan ay walang patawad

Mga Manunubos ng Kalikasan

MGA MANUNUBOS NG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sino ang tutubos sa ganitong kalagayan
na sagarang sinusugatan ang kalikasan
salanta ng global warming ang ating tahanan
kaya tiyak kawawa ang mga mamamayan

yaon lang mayayamang bansa'y nakakaraos
sila sa likas-yaman ng mundo'y lumalapnos
upang yumaman at tumubo ng lubos-lubos
habang ang mahihirap na bansa'y kinakapos

marurumi na ang mga ilog sa paligid
maruruming hangin na ang inihahatid
tila sa kamatayan tayo na'y binubulid
kaya lahat ng ito'y dapat nating mabatid

kailangan din ng kalikasan ng hustisya
pagkat biktima siya ng bulok na sistema
na pulos tubo ang usapin hindi ang masa
kaya kalikasan ang ginagahasa nila

oras na upang bulok na sistema'y matapos
kung nais nating sugat ay magamot ng lubos
sa kalikasang ito'y walang ibang tutubos
kundi tayong nabubuhay dito kahit kapos

Mga Mananabas ng Kalikasan

MGA MANANABAS NG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

unti-unting winawasak ang daigdig
ng maraming sa tubo ay mahihilig
sila'y dapat lamang agad na malupig
bago lalong dumumi pa yaong tubig

at tuluyang mawasak ang kalikasan
dahil na sa kanilang pagkagahaman
na pulos tubo yaong nasa isipan
at walang pakialam sa mamamayan

sa disgrasya na tayo ibinubulid
ng mga gahamang sa buhay papatid
nangyayaring ito'y di dapat malingid
halina at tayo'y lagi nang magmasid

ang hinahangad natin ay katarungan
laban sa mananabas ng kalikasan
labang ito'y para sa kinabukasan
ng sunod na salinlahi't mamamayan

Ilang Pagninilay sa Pagtatapos ng Martsa

ILANG PAGNINILAY SA PAGTATAPOS NG MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

simbigat ng bundok ang kanilang mithiin
ayaw nilang mamatay ang sariwang hangin
dangal na nayurakan ay ayaw lasapin
buhay nila yaong tinubuang lupain

ang paglalakad na iyon ay pagtitiis
upang luha ng ninuno'y di magbabatis
mithi ng katutubo'y di dapat magahis
layunin ng kaaway di dapat magbuntis

tulad ng malarya ang mga mananakop
ng kanilang lupaing nais masalikop
sakit yaong dala ng mga asal-hayop
na walang pandama't di sila pakukupkop

patuloy ang paglalakad tulad ng alon
hinahampas ng hangin parito't paroon
patuloy na haharapin ang bawat hamon
hangga't di nakakamtan yaong nilalayon

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Pagtanggap sa mga tutulugan

PAGTANGGAP SA MGA TUTULUGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

saan kami matutulog ay inayos na nila
minsan sa simbahan o kaya nama'y sa eskwela
doon na rin kami pansamantalang maglalaba
hanggang makarating ng lungsod ay di kami aba

maraming salamat sa pagtanggap ninyo sa amin
maraming salamat sa anumang inyong inihain
maraming salamat pagkat kayo'y kaisa namin
sa pakikibakang dapat pagtagumpayan natin

di man mahimbing ang tulog, may pahinga ang diwa
nanauli ang lakas ng katawang nanlalata
habang sa puso'y dama ang mga yanig at banta
ang tahanang Sierra Madre ang nasa gunita

inaapuyan ng ligalig kahit panaginip
pagkawasak ng Sierra Madre'y di na malirip
ngunit sa paglalakad, may pag-asang halukipkip
dapat tagumpay nito ang nakaukit sa isip

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Revicon sa Mahabang Martsa

REVICON SA MAHABANG MARTSA
(think positive, walang aayaw)

ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig pantig bawat taludtod

sabi nga ni robin, aming idolo
'think positive, walang aayaw' dito
kaya tuloy ang martsa namin ngayon
walang ayawan pagkat nag-revicon
upang malagpasan ang mga pagsubok
nang sa lakaran di agad malugmok
positibong isip, walang aayaw
magpatuloy tayo sa ating galaw
di titigil hangga't di sumasapit
sa palasyong ang pinuno'y kaylupit
nagre-revicon kami nang lumakas
at nang maitumba ang balasubas
na nais wasakin ang kalikasan
at agawin ang aming kalupaan
silang nais magtayo ng laiban dam
silang sa ami'y walang pakiramdam

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Pagnganganga

PAGNGANGANGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dala-dala nila ang mga nganga
hahatiin nila ito sa gitna
maya-maya'y pupula ang bunganga
tila may init at kurot sa diwa

anting-anting ba itong panagupa
laban sa nais gumalaw ng lupa
upang tayuan ng dam na masama
na idudulot sa kanila'y luha

pagkat pag lupa nila ay nawala
kinabukasan nila ang sinira
kabuhayan pa nila ang giniba
lupaing ninuno ang sinansala

nganga yaong kanilang nginunguya
na sa pakiwari ko'y tsampoy yata
dapat tumagal sa laban ang diwa
at puso, pagnganganga'y paghahanda

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Ang CADT

ANG CADT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

may titulo na rin para sa katutubo
lalo na sa kanilang lupaing ninuno
kinilala na ito't di na maglalaho
patunay na kanila ang lupang pangako

ang Certificate of Ancestral Domain Title
ay tila baga regalo ng mga anghel
di na basta maaagaw ng mapaniil
di na kayang angkinin pa ng mapanupil

maraming salamat sa mga nagbalangkas
upang ito'y maging isang ganap na batas
ang katutubo'y marapat lang na pumatas
sa mismong lupa nilang kayraming nautas

katutubo'y di dapat maapi ninuman
lalo't ngayon sila'y may pinanghahawakan
titulo ng lupa'y dapat nilang ingatan
para sa kanilang tribu't kinabukasan

* Kahulugan ng Certificate of Ancestral Domain Title, ayon sa Batas Republika 8371, Tsapter 2, Seksyon 3, titik c, - refers to a title formally recognizing the rights of possession and ownership of ICCs/IPs over their ancestral domains identified and delineated in accordance with this law.

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Isda sa Alat at Tabang

ISDA SA ALAT AT TABANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang gobernador ng katutubo'y nagsabi
na lupain nila'y di ipinagbibili
dahil ito'y lupa ng kanilang ninuno
na binahiran ng kanilang mga dugo
sila'y laban kung laban hanggang kamatayan
pagkat sagad na't wala nang mauurungan
sa kasaysayan, tinaboy ng malulupit
kaya sa puso na'y may natatagong ngitngit
paano mabubuhay silang nasa gubat
sa lunsod, kung kumpara isda sa alat
silang isda'y hindi mabubuhay sa tabang
pagkat sa alat sanay mula pagkasilang
kamatayan pa'y kanilang ikalulugod
kaysa pilitin silang ilipat sa lungsod

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Tagpaltos

TAGPALTOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nagpaltos kahit nakatsinelas
habang kaylayo ng nilalandas
gayundin yaong nakasapatos
paa'y masakit pagkat may paltos
ngunit dapat tapusin ang misyon
at maapuhap ang nilalayon
ipaglaban yaong karapatang
di masira ang buhay, tahanan
ang gobyerno, sila'y sinusuyo
malaking saplad ang itatayo
mawawalan sila ng lupain
pati dangal nila'y aagawin
lupa'y tunay na ipagtatanggol
pagyurak sa bayan sila'y tutol
ang paltos gaano man kadalas
balewala kung para sa bukas

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Marami nang Pigtal na Tsinelas

MARAMI NANG PIGTAL NA TSINELAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig, soneto

maraming tsinelas ang nakatuhog sa patpat
na sa durasyon ng martsa'y pawang nangapigtal
habang dalawang tao naman ang nagbubuhat
ng mga tsinelas pagkatapos mag-almusal

nagpatuloy ang martsa habang nasa unahan
ang dalawang maybuhat noong mga tsinelas
upang ipakita sa mamamayan sa daan
ang kanilang paninindigan at dinaranas

napigtal na tsinelas ay tanda ng paglaban
na di sila susuko sa mga mandarahas
na pawang mga dayuhang sa tubo'y gahaman
na yumuyurak sa karangalan nila't bukas

mapigtal man yaong tsinelas ay balewala
basta't maipagtanggol lang ang kanilang lupa

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Huwag Payagan ang Laiban Dam

HUWAG PAYAGAN ANG LAIBAN DAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

payag ba tayong matayo ang Laiban Dam
ng mga gahamang sabik sa tubong asam
sa kapwa tao’y wala silang pakialam
sila’y tila talagang walang pakiramdam

hindi, hindi tayo papayag sa ganito
dahil tiyak kayraming masasakripisyo
buhay mo, buhay ko, buhay ng kapwa tao
kultura, kabuhayan, lahat apektado

paano kung iyang dam ay matayong lubos
di lang isang henerasyon ang mauubos
buhay nati’y parang pinatangay sa agos
pati na kinabukasan ng bayang lipos

pagtayo ng dam ay huwag nating payagan
tayo na’y lumaban kung kinakailangan
upang sagipin itong ating kalikasan
ating pamayanan, ating kinabukasan

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.