Huwebes, Nobyembre 12, 2009

Ilang Pagninilay sa Pagtatapos ng Martsa

ILANG PAGNINILAY SA PAGTATAPOS NG MARTSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

simbigat ng bundok ang kanilang mithiin
ayaw nilang mamatay ang sariwang hangin
dangal na nayurakan ay ayaw lasapin
buhay nila yaong tinubuang lupain

ang paglalakad na iyon ay pagtitiis
upang luha ng ninuno'y di magbabatis
mithi ng katutubo'y di dapat magahis
layunin ng kaaway di dapat magbuntis

tulad ng malarya ang mga mananakop
ng kanilang lupaing nais masalikop
sakit yaong dala ng mga asal-hayop
na walang pandama't di sila pakukupkop

patuloy ang paglalakad tulad ng alon
hinahampas ng hangin parito't paroon
patuloy na haharapin ang bawat hamon
hangga't di nakakamtan yaong nilalayon

* Ang Lakad Laban sa Laiban Dam ay nagsimula sa Gen. Nakar, Quezon patungong Malakanyang mula Nobyembre 4-12, 2009, kung saan kasama ang makata sa mahabang lakarang iyon.

Walang komento: