Huwebes, Hulyo 3, 2025

Pahimakas kay kasamang Rod

PAHIMAKAS KAY KASAMANG ROD
(binigkas ng makatang gala sa pugay-parangal)

sa iyo, kasama, pagpupugay
sa pagpapatibay mo ng hanay
sa adhikaing lipunang pantay
para sa masa, misyon mo'y lantay

ating kasamang Rod Guarino
mahusay makitungo sa tao
kasama ng guro, prinsipyado
organisador siyang totoo

naging secgen namin sa BMP
naging pangulo namin sa XD
organisador pa ng TDC
at sa Ating Guro pa'y nagsilbi

salamat sa lahat ng nagawa
pinaglaban ang isyu ng madla
kasangga ng uring manggagawa
kaisa ng guro't maralita 

pakikibaka ang ibinunsod
ng pagkilos mo at paglilingkod
ginhawa ng masa'y tinaguyod
taasnoong pagpupugay, Ka Rod

- gregoriovbituinjr.
07.03.2025

* BMP - Bukluran ng Manggagawang Pilipino
* XDI - Ex-Political Detainees Initiative
* TDC - Teachers Dignity Coalition 
* Ating Guro party list

Nakatagong katotohanan

NAKATAGONG KATOTOHANAN

kayraming katotohanan ang nakatago
katotohanang iwinaksi't pinaglaho
kumbaga malinaw na sapa'y pinalabo
ng basura ng kasakimang di mahinto

di lang hinggil sa nawawalang sabungero
kundi pati winalang desaparesido
kundi pati walang salang nakalaboso
pati nilait na karapatang pantao

paano ba patuloy na ipaglalaban
ang katotohanan para sa kagalingan
ng dukha, obrero, bata, kababaihan 
upang kamtin ang asam na katotohanan

talaga bang pangit ang kasinungalingan?
talaga bang masakit ang katotohanan?
tungong kapanatagan ng puso't isipan
halina't hagilapin ang katotohanan

- gregoriovbituinjr.
07.03.2025

* litrato mula sa headline ng pahayagang Tempo, Hunyo 3, 2025

Dalawang pinggan

DALAWANG PINGGAN

naglatag ako ng dalawang pinggan sa lamesa
akala ko, sabay tayong kakain, di na pala
nakasanayan kasing kakain tayong dalawa
ngunit di ko na tinanggal ang isang pinggan, sinta

marahil, matagal pa bago ko paniwalaan
na talagang wala na tayong pinagsasaluhan
pag naulit, ilatag ko muli'y dalawang pinggan
paumanhin, mahal, kung naalala ka na naman

minsan nga, paborito mo ang aking nabibili
na madalas mong papakin, tayo nga'y nawiwili
mga kwento mo'y diringgin ko habang magkatabi
pagkaing di mo naubos, uubusin ko rini

magsasalo pa rin tayo, sa pagdating ng araw
at sabay tayong hihigop ng mainit na sabaw
habang mga diwata'y umaawit, sumasayaw
sa alapaap at sa iyo'y muling manliligaw

- gregoriovbituinjr.
07.03.2025