Lunes, Oktubre 12, 2015

Kalibugan ng buang

KALIBUGAN NG BUANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kayrami nang nabilanggo dahil sa kalibugan
biktima'y babaeng ang ulirat ay pinanawan
paano masawata ang kalibugan ng buang
paanong pagkatao'y matuto nilang igalang

o sila'y malala na, dapat lang silang mapiit
pagkat sariling libog sa iba'y ipinipilit
bakit sila nagkagayon, lipunan ba'y kaylupit
anong dahilan bakit babae pa’y ginigipit

dyaryo't magasin bang may litratong nakabikini?
dahil ba yaong babae'y nakasuot ng mini?
para ba patunayang isa kang macho't lalaki?
di mo ba naisip may kapatid ka ring babae?

dahil ba babae'y kalakal sa kapitalismo?
o dahil itong lipunan ay batay sa machismo?
sistemang patriyarkal ba'y dapat palitang todo?
o itayo na ang isang lipunang makatao?

ang kalibugan ng buang ay dapat nang magwakas
babae't lalaki'y pantay dapat sa ating batas
itayo'y lipunang may paggalang, lipunang patas
kung saan walang buang na sa kapwa'y manghaharas

Kabilugan ng buwan

KABILUGAN NG BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

halina't ating masdan ang kabilugan ng buwan
o, sinta ko, at tayo'y gumala kung saan-saan
habang naglalakad, kamay ng bawat isa'y tangan
damhin ang lamyos ng pag-ibig sa kaibuturan

halina'y pakinggan mo, aking sinta, itong tula
na sa ligalig ng iwing puso'y magpapahupa
pagkat ikaw, sinta, ang sinasamba kong diwata
handang ipaglaban ang pag-ibig ko, aking mutya

manggagawa sa araw, ang trabaho'y otso oras
pag gabi'y pahinga, buwan sa langit ang kapatas
minamasdan ang sinta sa larawan nitong kupas
habang nasa isip anong ibibigay na bukas

tila may sariling mundo ang dalawa'y masaya
hanggang dumatal ang gabing ang buwan ay wala na
para bagang sa magdamag buwan ay nagtitika
di mawaring puso'y may luha, nakapagtataka

di lahat ng araw ay tuwa't mayr'on ding pasanin
ang dumatal na problema'y di dapat sarilinin
suliranin nila'y dapat pag-usapang masinsin
magkatuwang sa paglutas, mapagwawagian din

Paano ba?

PAANO BA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paano ba sinusulat ang walang kamatayan
kung ang lahat ng bagay sa mundo'y may katapusan
paano ba inukit ng madla ang kasaysayan
upang aral ng nakalipas ay maunawaan

paano ba sinasapuso ang pakikibaka
upang mabagong tuluyan ang bulok na sistema
paano ba sinasatitik ang dapat mabasa
upang ang sambayanan ay matuto't magkaisa

paano pagtatagniin ang tiyan, diwa't puso
nang sa kaunting alit ay di magbubo ng dugo
paano ba usigin ang marangyang tubo't luho
upang kasakiman sa puso'y tuluyang maglaho

kayrami pa ngang dapat isadiwa’t isatitik
adhika, danas, dalitang sa dusa nakasiksik
at magalugad pa kahit ang landasing matarik
upang gulong ng palad ay di tuluyang tumirik

Puso, isip at tiyan

PUSO, ISIP AT TIYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang puso'y nakakaunawa kadalasan
na di nakakayang arukin ng isipan
ang dalawang pipi mang tigib ng suyuan
di man dila'y puso ang nagtatalamitam

pag may problema, higit sa puso't isipan
limiing salik din ang usapin ng tiyan
na bago ang puso't isip, unahin iyan
sa anumang tunguhi’y isaalang-alang

maraming nagkakahiwalay, di unawa
ng isip at puso ang dumatal na sigwa
pagkat pag gutom ang tiyan nakakawawa
ang puso't isip na di na sapat ang luha

sadyang sa buhay ng tao'y salik ang tatlo
bago magmahal ay uunahing totoo
ang tiyan nang may gasolina sa pagtakbo
kairalang di maitatanggi ng tao

kaya sa suliranin at pagdedesisyon
sa pamumuhay at anupamang transaksyon
laging isaalang-alang ang tatlong iyon
nang di na malunod sa sigwang sumalubong