Miyerkules, Agosto 11, 2010

Sa Liyab ng Libong Sulo

SA LIYAB NG LIBONG SULO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

sa liyab ng libong sulo
aktibista'y nangangako
sistema'y maigugupo
ng ating lakas na buo

sa liyab ng libong sulo
aktibista'y nangangako
kapitalista'y susuko
kapitalismo'y guguho

sa liyab ng libong sulo
kami'y pawang nangangako
sosyalismo'y itatayo
ng walang danak na dugo

sakaling dugo'y mabubo
kaninuma'y di yuyuko
sa liyab ng libong sulo
tuloy pa ri't di susuko

Lagalag Man Ako

LAGALAG MAN AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ako'y lagalag sa ating bayan
kaya nakikita'y karaniwan
kayraming dukha ang namamasdan
karumal-dumal ang kalagayan

kaya di ko maubos-maisip
di rin sumagi sa panaginip
na mahihirap ay masasagip
bukas nga nila'y di ko masilip

iskwater na sa sariling bayan
walang trabaho, walang tahanan
trapo'y sadyang walang pakialam
pagkat sila'y di pagtutubuan

lagalag man ang isang tulad ko
hinahanap ko pa rin sa mundo
ang bagong bukas at pagbabago
ng kawawang bayan nating ito