Miyerkules, Marso 27, 2024

Bulong sa hangin

BULONG SA HANGIN

sa hangin ako'y may ibinulong
habang nilalantakan ang tutong
na nilagay sa platong malukong
bakit ba ulam ko'y okra't talong
na isinawsaw ko sa bagoong

sa hangin ay aking ibinulong
habang nakatalungko sa silong
lipunang asam ay sinusulong
sistemang bulok nakabuburyong
kung sa kapitalismo hahantong

ang masa'y tinuturing na gunggong
sa kapitalismo ng ulupong!
masa ba'y kanino pa kakandong?
at kanino hihingi ng tulong?
sa bituka, may rebong karugtong!

- gregoriovbituinjr.
03.27.2024

Tarang magtsaa

TARANG MAGTSAA 

tarang magtsaa ng malunggay
habang naritong nagninilay
pampalusog at pampatibay
nitong katawan at ng hanay

minsan kailangan talaga
sa hapon, gabi o umaga
pampasarap ng ating lasa
animo'y salabat o luya

habang aking ikinukwento
bakit ba may aping obrero
bakit ba negosyante'y tuso
at sistema'y kapitalismo

sa Kalbaryo ng Maralita
bakit dukha'y kinakawawa
nitong sistema ng kuhila
dukha'y kailan giginhawa

- gregoriovbituinjr.
03.27.2024

4PH sa kalbaryong kurus

4PH SA KALBARYONG KURUS

sakto ang nakalagay sa kurus
na dukha'y nililinlang nang lubos
4PH nilang alok ay peke
ito'y para sa kapitalista
at hindi para sa maralita

huwag ibatay sa market value
ang pabahay na alok na ito
ibatay sa capacity to pay
o capacity to buy ng dukha
ang presyo ng bahay ng dalita

- gregoriovbituinjr.
03.27.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Kalbaryo ng Maralita sa Morayta, Maynila, umaga ng Marso 26, 2024
kurus at hindi krus ang pagsulat ng mga makata noon, tulad nina Jose Corazon de Jesus, Ildefonso Santos

Sa pwesto ni Lambing

SA PWESTO NI LAMBING

nakahanap ng pwesto ang pusang si Lambing
doon sa patungan ng paso sa may hardin
pahinga roon matapos kong pakainin
kasama ni Lambong na kapatid niya rin

mahilig silang tumambay doon sa bahay
mas nais nila ng isda imbes na gulay
pag naroon sila, ang loob ko'y palagay
pagkat mga daga'y nagsilayasang tunay

kaysarap masdan sa nakita niyang pwesto
kaysarap ding may alaga, pusa man ito
ang haplusin sila'y pinakapahinga ko
tula nga sa kanila'y nakathang totoo

maraming salamat sa inyo, Lambing, Lambong
at sa mga katha ko, kayo'y nakatulong

- gregoriovbituinjr.
03.27.2024

Imbes Malakanyang, rali ay sa FEU na

IMBES MALAKANYANG, RALI AY SA FEU NA

pasensya na po't inyong iskul ay nabanggit
sa inyong tapat kami nagrali't naggiit
ng aming karapatan dahil sa malupit
na sistema, na isyu sana'y mailapit
isyung nais naming sa Mendiola masambit

sa FEU na, dapat ay sa Malakanyang
pagkat doon ang trono ng pamahalaan
karapatang magpahayag na'y binawalan
sa Mendiola gayong doon marapat lamang
batalyong pulis ang sa amin ay humarang

Kalbaryo ng Maralita'y isinagawa
upang iparating isyu ng maralita
ang 4PH ay para sa negosyong sadya
pabahay na alok na di para sa dukha
sa ChaChang nais nila, bayan ang kawawa

payag ba kayong gawing sandaang porsyento
na dayuhan ay mag-ari ng lupa rito
midya, kuryente, tubig, serbisyo publiko
ChaCha ang paraan ng Senado't Kongreso
upang Saligang Batas natin ay mabago

paumanhin, FEU, kung maging madalas
sa inyo idulog ang sistemang di patas
pagrarali namin sa harap nyo'y dadalas
kung hindi titino ang tuso't talipandas
kung bayan na'y binebenta ng mga hudas
nais ng maralita'y lipunang parehas

- gregoriovbituinjr.
03.27.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa harap ng FEU sa Morayta nang isinagawa ang Kalbaryo ng Maralita, umaga ng Marso 26, 2024

Maralita, hinarangan ng pulis sa rali

MARALITA, HINARANGAN NG PULIS SA RALI

nais lamang naming magpahayag
subalit pulis na'y nagsiharang
ang maralita't di nagpatinag
sa harap ng mga nakaabang

imbes makarating sa Mendiola
iparinig ang daing ng madla
ay hanggang doon lang sa Morayta
nagprograma't nakapagsalita

inihatid na lang sa FEU
marahil sa estudyante't guro
ang marami naming dalang isyu
parang bigas, pangakong pinako

tarangkahan ng pamahalaan
dapat ang mga isyu'y dulugan
gobyerno ba'y kinatatakutan
ang sarili niyang mamamayan?

- gregoriovbituinjr.
03.27.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos na "Kalbaryo ng Maralita",  umaga ng Marso 26, 2024

Oras - TIME, EMIT, ITEM

ORAS - TIME, EMIT, ITEM

anumang panahon / o anumang oras
bumuga ng usok / o anumang bagay
mahalaga lagi, / ito ba'y parehas
o sa masa'y patas / pag iyong nanilay?

kapara'y daigdig, / nagbabagong klima
sa internasyunal / pinag-uusapan
sugat ba ng mundo'y / mapaghihilom pa?
hustisyang pangklima / na'y pinanawagan

rambulin ang METI, / lalabas ba'y ano?
ang salitang EMIT, / ang TIME at ang ITEM
marahil merong MITE, / ngunit ano ito?
sa palaisipan / ay ating nasimsim

ang panahon nati'y / hinati sa walo
na siyentipiko: / oras ng pahinga
oras sa sarili, / oras ng trabaho
may laan ding oras / para sa pamilya

asawa'y malambing / pagkat may panahon
si mister sa kanya, / ang mutyang diwata
lalo't ang pag-ibig / ay di nakakahon
dama ang pagsinta, / at dama'y malaya

- gregoriovbituinjt.
03.27.2024

* litrato mula sa app na Word Connect