SI ROBIN WILLIAMS, IDOLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
artista siya, sa marami'y ligaya ang dulot
artistang magaling, maraming award ang hinakot
sa pelikula, tao'y sa saya niya binalot
mukha'y masaya, ngunit ang loob pala’y may lungkot
sa kabila ng kasikatan ay tigib ng lumbay
ang maging sikat minsa'y wala ring ligayang tunay
artistang bantog man, sa problema'y di mapalagay
bagamat sa manonood, saya ang kanyang bigay
sa kanyang bawat pelikula, kayraming nalugod
binigyang inspirasyon niya yaong manonood
tila mga umiidolo’y kanyang hinahagod
upang guminhawa ang pakiramdam nila’t likod
kayraming tanong sa kanyang animo'y santong banal
anong sanhi? totoo bang siya'y nagpatiwakal?
ang lunas ba'y iyon sa suliranin niyang sakdal?
ang pagpapatiwakal ba sa pagkatao'y sampal?
siya ba’y masisisi natin sa kanyang desisyon?
siyang dumanas umano ng kaytinding depresyon
sa nangyari, anuman yaong kanyang naging rason
idolo pa rin siya ng maraming henerasyon
* Si Robin Williams (Hulyo 21, 1951 - Agosto 11, 2014) ay isang sikat na artista sa pelikula, nakilala sa mga pelikulang Dead Poets Society, Jumanji, atbp.