Huwebes, Abril 17, 2025

Muling paglipat ng silid

MULING PAGLIPAT NG SILID

sa regular na silid kami pinalipat
matapos pasakan ng NGT kanina
iyon na ang pang-apat na lipat ng silid
mula emergency room at hanggang sa ngayon 

mahalaga lagi'y paano gumaling
si misis sa panahong ito ng ligalig
sa aking puso't diwang di na madalumat
para bagang ako'y nalulunod sa dagat

sa gitna ng alat at tabang naroroon
na kapayapaan sa puso'y di matalos
marahil kung maibabaiik ang kahapon
lahat ng asam nami'y tutuparing lubos

katanghaliang tapat nang lumipat kami
kung hanggang kailan dito'y di ko masabi

-: gregoriovbituinjr.
04.17.2025

* NGT - nasogastric tube

Walang pag-aari

WALANG PAG-AARI

pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan
at isa iyang katotohanang matutuklasan
pag pinag-aralan ang ekonomya at lipunan
katotohanang dapat tumagos sa sambayanan

subalit di iyan tinatanggap ng mga sakim
sa kapangyarihan at ng may budhing maiitim
tulad ng trapo't kapitalistang dulot ay lagim
kasamaan at kadilimang karima-rimarim

bago pa si Marx ay mayroon nang Marcus Aurelius 
noong unang panahon ay batid na nilang lubos
pribadong pag-aari'y sanhi ng pambubusabos
at pagyurak ng dangal ng mga dukha't hikahos

halina't katotohanang ito'y ipalaganap
baguhin na ang sistema nang malutas ang hirap
magagawa kung patuloy tayong magsusumikap
upang ating kamtin ang ginhawang pinapangarap 

- gregoriovbituinjr.
04.17.2025