Sabado, Agosto 2, 2008
Numero
NUMERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(13 pantig bawat taludtod)
1
Bata pa ako’y nahilig na sa numero
Nahiligang magkwenta ng kung anu-ano
Mula pamasahe, sukli, anumang presyo
Matematika’y sadyang kinagiliwan ko.
2
Sa mataas na paarala’y kita ito
Sa ibang aralin ay sadyang kaybaba ko
Ngunit nakuha ko’y matataas na grado
Pag ang paksa’y may kaugnayan sa numero.
3
Kaya naman ang mga kinuha kong kurso
Sa mga bukasyunal at sa kolehiyo
Ay may kaugnayan sa pag-iinhinyero
Sa pagkokompyuter at sa elektroniko.
4
Ang iba’y natatakot kapag may numero
Tila tingin dito’y pawang mga simbolo
Ng halimaw o ng kung sinumang demonyo
Na dapat pangilagan pagkat hindi santo.
5
Numero’y bahagi na ng buhay ng tao
Mula sa pagsilang hanggang kamatayan mo
Sa bawat pagbaba’t pagtaas ng numero
Lahat tayong mamamayan ay apektado.
6
Gaano kalayo ang Mars sa ating mundo?
Ang sukat ng araw ba’y ilang diyametro?
Gaano kalalim ang dagat-Pasipiko?
Ilang dipa ba ang taas ng bundok-Apo?
7
Ilan na ngayon ang populasyon ng tao?
Ilan ang namatay sa digmaan sa Gulpo?
Ilan na ang nagugutom na Pilipino?
Ilan ang isinilang sa bawat minuto?
8
Ilan bang manggagawa ang naging minero?
At ilan naman ang nakasakay ng barko?
Ilang obrero ang nawalan ng trabaho?
Ilang manggagawa ang may mababang sweldo?
9
Ilang bahay ba ang dinemolis sa Tondo?
At ilang pamilya naman ang apektado?
Ilang manininda ang wala nang negosyo?
Ilang aktibista ang napukpok sa ulo?
10
Ang bigas ngayon, magkano ang bawat kilo?
Pamasahe sa dyip at bus ngayo’y magkano?
At sa binayaran, tama ba ang sukli mo?
Badyet mo ba’y kasya para sa buong linggo?
11
Sa halalan, tama ba iskor ng pangulo?
Nagdagdag-bawas ba ang mga pulitiko?
Magkano ang pambayad-utang ng gobyerno?
Magkano naman ang nakurakot sa pondo?
12
Pag bigas at langis nga’y tumaas ang presyo
Tayo’y nagagalit at nag-aalburuto!
Saan na ba natin kukunin ang panggasto?
Gayong di na magkasya itong ating sweldo.
13
Ramdam daw ang kaunlaran ng Pilipino
Gayong umunlad lang ay yaong nasa pwesto!
Progreso nama’y di ramdam ng mga tao!
Tila minadyik ba ang batayang numero?
14
Ang pandaraya bang ito’y sumisimbolo
Sa uri ng lipunang di para sa tao
Ganito ba sadya itong kapitalismo
Na patuloy na niyayakap ng pangulo?
15
Kaya minsan ay napapag-isip-isip ko
Maari kaya akong maging pulitiko?
O kaya ay maging kawani ng gobyerno?
At maging madyikero ng mga numero?
16
Sa numero’y dapat ding maging makatao
At sa pagbibilang ay maging tapat tayo
Huwag katakutan itong mga numero
Pagkat bahagi na ng buhay natin ito.
17
Kung nais natin ng tunay na pagbabago
Sa ating mundo, sa lipunan at gobyerno
Tungo sa isang daigdig na makatao
Itong numero’y gamitin natin ng wasto.
18
Kung sakaling may ibibigay na trabaho
Sa inyong abang lingkod hinggil sa numero
Kung kaya’y tatanggapin, munti man ang sweldo
Huwag lang tagabilang ng poste sa kanto.
Sampaloc, Maynila
Agosto 1, 2008
Pahiram ng Panindi ng Yosi
PAHIRAM NG PANINDI NG YOSI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(10 pantig bawat taludtod)
1
Ilan sa mga nakilala ko
Ay kayhilig na manigarilyo
Ngunit ugali ng mga ito
Ay ang panghihiram ng posporo
2
O anumang pwedeng ipansindi
Sa yosi nilang nasa daliri
Tila sila hindi mapakali
Pag hindi nakahitit ang labi.
3
Bahagi ba ng pakikisama
Kung sakaling pahiramin siya?
O ito’y isang pang-aabala
Doon sa mga katabi niya.
4
Nakakabili ng sigarilyo
Ngunit walang panindi sa bisyo
Wala ba siyang dalawang piso
Para makabili ng posporo?
5
Sundalong kanin ang tulad niya
May baril nga, ngunit walang bala.
At kung manunulat ang kapara
May bolpen nga, ngunit walang tinta.
6
O kaya’y tsuper na papasada
May dyip ngunit walang gasolina
Kung mahilig kang maghitit-buga
Aba, panindi mo’y bumili ka.
7
Sa buhay, dapat lagi kang handa
Kung nais mong ikaw’y may mapala
Magsusunog na nga lang ng baga
Sarili namang panindi’y wala.
8
Magkaminsan, ako’y nagtataka
Pagbibisyo nama’y kayang-kaya
O baka ang sigarilyo nila
Ang tawag ay “tatak-hingi” pala.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)