Linggo, Hunyo 23, 2024

Aklat para sa pamangkin

AKLAT PARA SA PAMANGKIN

klasiko ang aklat na bigay sa pamangkin
na mahilig magbasa tulad ng tiyuhin
ang 20,000 Leagues Under The Sea ni Jules Verne
ay paglalakbay sa dagat na anong lalim

nabili ko sa Book Sale ang nasabing aklat
na paboritong tambayan sa pagbubuklat
ng iba't ibang paksang nakapagmumulat
na masasalat, masusulit, masusulat

nais kong magbasa rin sila hangga't bata
ng samutsaring kwento, o kaya'y pabula
at mapatalas ang kanilang pang-unawa
sa pamilya, paligid, bayan, kapwa bata

kasama ang pamangkin, kayraming nanilay
na pagbabasa talaga'y kanilang tulay
sa buhay, isang libro man ang aking bigay
sa pamangking matalino't napakahusay

- gregoriovbituinjr.
06.23.2024

Itaw-itaw

ITAW-ITAW

nabasa ko'y itaw-itaw, ano ba iyon?
nakalutang sa atmospera'y depinisyon
gaya ng planeta, bituin, konstelasyon
aba, may salita pala tayong ganoon

nakalutang ng walang mga nakakabit
na makikita natin sa ere, sa langit
oo, palutang-lutang lang, di nakasabit
subalit paano salita'y ginagamit?

anang UP Diksiyonaryong Filipino
ang itaw-itaw ay pang-uri ngang totoo
halimbawa ng gamit ay hinahanap ko
kaya sa tula'y sinubukan ko na ito:

nakalutang sa atmospera, itaw-itaw
ang mga talampad, buwan, buntala't araw
na pag gabi ko lamang sila natatanaw
ay, kayganda't tila nagkikislapang ilaw

- gregoriovbituinjr.
06.23.2024

* itaw-itaw - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 523
* talampad - konstelasyon, mula sa aklat na Balatik: Etnoastronomiya, pahina 5

L at R

L AT R

wala raw R sa Tsino at wala raw L sa Hapon
kaya sa Japan, walang pulis at sundalo roon
subalit may puris at sundaro, iyon ang meron
na aming biruan nang kabataan namin noon

gayundin naman, kapag may naghahanap ng LIGHTER
ang Pinoy na mukhang Hapon, tanong ko agad: WRITER?
na pag sinabi niyang bilib siya't ako'y LEADER
baka ibig niyang sabihin, ako'y isang READER

kaya L at R minsan ay nagkakabaliktaran
na di Left and Right o Lighting Rally ang kahulugan
na sa usapan ay dapat nagkakaunawaan
kaya biruan man noon ay dapat mong malaman

sa L at R minsan ay natatawa na lang tayo
mahalaga ito'y nauunawaang totoo

- gregoriovbituinjr.
06.23.2024

Pusong bakal


PUSONG BAKAL

minsan, kailangan natin ng pusong bakal
upang sa ganitong buhay ay makatagal
upang harapin ang problema ng marangal
upang labanan ang mga utak-pusakal

di sa lahat ng problema'y panghihinaan
ng loob kundi matuto tayong lumaban
dapat nating patatagin ang kalooban
laban sa sistemang bulok ay manindigan

marami ang manunuligsa't manlalait
sa tulad nating kanilang minamaliit
huwag tayong umiyak at maghinanakit
tumindig tayo't kapitbisig ng mahigpit

maraming isyu't usapin ang naririnig
pati pagkatao natin ay nilulupig
huwag panghinaan, huwag magpapadaig
balang araw, tayo naman ang mang-uusig

minsan, kailangang bakal ang ating puso
sa paglaban sa burgesya't mga hunyango
na tanging gawaing di sila humihinto
ay pagsasamantala't pagkahig ng tubo

- gregoriovbituinjr.
06.23.2024

* litrato mula sa google