dumidila ang antok sa talukap niring mata
ngunit niyayakag akong muli ng sintang musa
upang maglimayon, maglakad-lakad sa kalsada
sa ilalim ng buwan at siya'y hinaharana
anong sarap damhin ng pag-ibig na nasa rurok
habang matamis ang kwentuhang aking natatarok
subalit di ko na kaya ang nagbabantang antok
habang balat ko'y pinapapak na ng munting lamok
ah, sa guniguni ang musa'y aking nakatagpo
at muli kaming nagniig, sa kanya'y narahuyo
mabuti't nariyan siyang kaiba ang pagsuyo
na sa pagdatal ng Haring Araw ay naglalaho
panay pa rin ang aking paghihikab, antok na nga
at maglalatag na ng banig upang humilata
hanging amihan ay umihip, dumampi sa mukha
tandang sa guniguni na lang hahabi ng tula
- gregoriovbituinjr.
11.23.2021