Miyerkules, Abril 13, 2016

Sa mga kabataang bulag na nagpasaya sa magsasaka

SA MGA KABATAANG BULAG NA NAGPASAYA SA MAGSASAKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nasa dilim man ang buhay sila'y nasa liwanag
sa magsasaka'y awit ang kanilang pagpahayag
tumugtog ng piyano, gitara't tambol, kaytatag
ngalang Babylyn Palma ang guro ng mga bulag

salamat po sa inyo, kahit kayo'y nasa dilim
ay pinasaya kami sa kabila ng panimdim
pag-asa ang sa puso nami'y inyong itinanim
anumang tindi ng init ay daratal ang lilim

sa pag-awit nila'y dama mo sa puso ang init
makahulugan at kaygaganda ng mga hirit
dalawang kasamang magsasaka ang nakiawit
na lalo namang nagpasaya sa gabing pusikit

- kinatha sa gymnasium ng Our Lady of the Divine Mercy Parish sa San Pablo, Laguna, Abril 13, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

At nadaanan namin ang Kampo Heneral Macario Sakay

AT NADAANAN NAMIN ANG KAMPO HENERAL MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

martsang sinalihan ay tunay ngang makasaysayan
habang tinatahak ang Los Baños ay namataan
Kampo Heneral Macario Sakay ang nadaanan
gunita'y aklat, naalalang may dapat gampanan

ilang taon nang nakalilipas nang malathala
ang aklat na "Sakay: Bayani" na aking ginawa
sentenaryo ng kamatayan, nilunsad sa madla
buong buhay niya'y tigib ng sakripisyo't luha

habang naglalakad kami'y aking napagninilay
na buong bayan na ang kumikilala kay Sakay
sila man ng kasamang Lucio De Vega'y binitay
ang kanilang sakripisyo'y di nawalan ng saysay

di pinayagan ng kasaysayang siya'y mabaon
sa limot at siya'y kinikilala na ng nasyon
malaking patunay ang nakatayong kampong iyon
si Sakay ay bayani't di iniwan ng panahon

Kampo Heneral Macario Sakay, kampong totoo
paalalang ang heneral ay di isang bandido
si Sakay ay tunay na kawal-rebolusyonaryo
bayaning nakipaglaban upang lumaya tayo

- kinatha sa gymnasium ng Our Lady of the Divine Mercy Parish sa San Pablo, Laguna, Abril 13, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Paglalakad sa gabok

PAGLALAKAD SA GABOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pumapaspas yaong mga paa doon sa gabok
sanlaksang magsasaka sa lakbayan ay kalahok
paang tila pakpak sa bawat bayan kumakatok
na may kawalang hustisya sa sakahan, sa bundok

pumapaspas yaong paa ng mga magsasaka
damhin mo't tila may poot ang bawat yabag nila
nananaghoy, nananangis, hibik nila'y hustisya
mga lupa nila'y di dapat maangkin ng iba

tingni ang sipag sa kalamnan ng kanilang bisig
mga karapatan nila'y tingni sa bawat tindig
sa kanilang lupa'y dugo't pawis na ang nadilig
silang nagsaka nang tayo'y may isubo sa bibig

pumapaspas ang paa nilang mga magbubukid
silang hindi man kilala'y ating mga kapatid
sa lakbaying ito nawa'y walang mga balakid
at mga usaping dulog nila'y dapat mabatid

- kinatha sa gymnasium ng Our Lady of the Divine Mercy Parish sa San Pablo, Laguna, Abril 13, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016