AT NADAANAN NAMIN ANG KAMPO HENERAL MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
martsang sinalihan ay tunay ngang makasaysayan
habang tinatahak ang Los Baños ay namataan
Kampo Heneral Macario Sakay ang nadaanan
gunita'y aklat, naalalang may dapat gampanan
ilang taon nang nakalilipas nang malathala
ang aklat na "Sakay: Bayani" na aking ginawa
sentenaryo ng kamatayan, nilunsad sa madla
buong buhay niya'y tigib ng sakripisyo't luha
habang naglalakad kami'y aking napagninilay
na buong bayan na ang kumikilala kay Sakay
sila man ng kasamang Lucio De Vega'y binitay
ang kanilang sakripisyo'y di nawalan ng saysay
di pinayagan ng kasaysayang siya'y mabaon
sa limot at siya'y kinikilala na ng nasyon
malaking patunay ang nakatayong kampong iyon
si Sakay ay bayani't di iniwan ng panahon
Kampo Heneral Macario Sakay, kampong totoo
paalalang ang heneral ay di isang bandido
si Sakay ay tunay na kawal-rebolusyonaryo
bayaning nakipaglaban upang lumaya tayo
- kinatha sa gymnasium ng Our Lady of the Divine Mercy Parish sa San Pablo, Laguna, Abril 13, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento