Martes, Hunyo 21, 2016

Ang pag-aaral ay paghahanda

ANG PAG-AARAL AY PAGHAHANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

doon sa dampa, mag-anak ay maagang gumising
inatupag agad ng ama anong lulutuin
kung walang panggatong, kahoy na'y agad sisibakin
at doon sa tungko ay magluluto ng sinaing
ama'y naghahanda upang pamilya'y makakain

katulad din sa pag-aaral, gigising ang bata
maliligo, magbibihis, ang bata'y maghahanda
titingnan ang gawaingbahay kung kanyang nagawa
anong mga aralin ang naitanim sa diwa
kung malayo ang paaralan, lalakad ng kusa

ngunit di lahat ay sa paaralan natututo
kundi sa pakikisalamuha sa kapwa tao
sa kapamilya, sa pamayanan, sa kababaryo
sa kabarkada, lalo sa lipunan at gobyerno
habang tayo'y lumalaki, lumalago rin tayo

ang pag-aaral ay paghahanda para sa bukas
anumang paksa, lipunan o etika'y mawatas
upang hinaharap ay di masayang o mawaldas
upang maging handa sa pagtahak sa tamang landas
upang kamtin ang isang lipunang pantay at patas

Mahirap mang mag-aral

MAHIRAP MANG MAG-ARAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mahirap mag-aral, dama ng mga kabataan
subalit mas mahirap ang walang pinag-aralan
isang prinsipyo itong dapat nilang matanganan
nang maging matatag ang kanilang kinabukasan

kaya maraming salamat sa aming mga guro
na alay sa bukas ang mga araling tinuro
kung wala ang guro'y anong bukas kundi siphayo
ang kakaharapin ng madla, bukas ay guguho

mahirap mag-aral, ngunit ating pakatandaan
anumang tagumpay ay sadyang pinagsisikapan
mahirap mag-aral, subalit kung pagninilayan
aba’y lalong mahirap pag walang pinag-aralan

Kung matututo ang mga bata

KUNG MATUTUTO ANG MGA BATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung ang mga bata'y tunay na natututo
isang adhikang kaysarap sa pakiramdam
tila baga titino na ang mundong ito
isang alalahaning nawa ay maparam

ngunit di lang sa paaralan natututo
kundi sa impuwensya rin ng kaligiran
barkada ba'y matitino o basag-ulo
anong natutunan ng bata sa lipunan

kung maging inspirasyon ng bata ang guro
inspirasyon din yaong bubuklating aklat
mga aral doong di makasisiphayo
bagkus sa kanyang diwa'y makapagmumulat

kung matututo sa guro ang mga bata
ay natupad nila ang adhikang dakila