Sabado, Nobyembre 30, 2024

Makatang Pinoy

MAKATANG PINOY 

kayraming makatang / dapat kilalanin
kaya mga tula / nila'y babasahin
pati talambuhay / nila'y aaralin
upang pagtula ko'y / sadyang paghusayin

at ngayon, naritong / binuklat kong sadya
librong Pag-unawa / sa Ating Pagtula
na aklat ni Rio Alma, na makata
Pambansang Alagad ng Sining sa bansa

Francisco Balagtas, / at Lope K. Santos
Marcelo del Pilar, / Benilda S. Santos
Amado Hernandez, / at Benigno Ramos
Teo Baylen, Jose / Corazon de Jesus

Teo T. Antonio, / at si Vim Nadera
Cirio Panganiban, / at si Mike Bigornia
at si Alejandro / Abadilla pala
na pawang dakilang / makata talaga

Elynia Mabanglo, / Lamberto Antonio
pati si Joi Barrios, / at Rolando Tinio
Rebecca't Roberto / Anonuevo rito
ay kahanga-hangang / makata, idolo

si Glen Sales, Joel / Costa Malabanan
Sidhay Bahaghari, / kayrami pa naman
Danilo C. Diaz, / bugtong ay sagutan
maraming salamat / sa mga tulaan

- gregoriovbituinjr.
11.30.2024

* kinatha ngayong ika-161 kaarawan ni Supremo Gat Andres Bonifacio 

Lugaw na naman

LUGAW NA NAMAN

lugaw muli ang pagkain ni misis
sa ospital, sa lugaw nagtitiis
bawal muna sa kanya ang matamis
o kaya'y maalat na parang patis

aba'y pangtatlumpu't siyam na araw
na namin ngayon, pagkain ay lugaw
na pamatid-gutom sa araw-araw
rasyon ng ospital, meron pang sabaw

pinagandang tawag sa lugaw: congee
warfarin diet sa kanya'y sinilbi
sa umaga, tanghali hanggang gabi
hanggang kalagayan niya'y bumuti

pag nagsawa siya, ako'ng kakain
kaysa mapanis, di ko sasayangin
pagkat ito nama'y lamang tiyan din
at laking tipid pa para sa akin

bibilhin ko naman ang kanyang gusto
basta sakit ay di lumalang todo
paggaling niya'y pangunahin dito
kaya nakabantay talaga ako

- gregoriovbituinjr.
11.30.2024

* kinatha ngayong ika-161 kaarawan ni Supremo Gat Andres Bonifacio 

Nilay sa salawikain

NILAY SA SALAWIKAIN

nagtitipon ako / ng salawikain
na marapat lamang / na pakaisipin
baka makatulong / upang paghusayin
ang buhay na iwi't / kalagayan natin

magandang pamana / mula sa ninuno
sa mga panahong / ang ilaw pa'y sulo
mga aral yaong / kanilang nabuo
kaya payo nila'y / kapara ng ginto

yaong di lumingon / sa pinanggalingan
di makararating / sa paroroonan
ang mga bayani / pag nasusugatan
ay nag-iibayo / ang kanilang tapang

pag naaning mangga'y / sangkaterbang kaing
ay alalahanin / ang mga nagtanim
sa hapag-kainan / pag may haing kanin
ay pasalamatan / kung sinong nagsaing

kapag nagkaisa / tungo sa paglaya
itong bayang api, / kakamti'y ginhawa
pag ipinaglaban / ang mithing dakila
ang ating kakampi'y / uring manggagawa

ang isa mang tingting / madaling baliin
ngunit maganit na / pag sandaang tingting
halina't alamin / ang salawikain
ng ating ninuno't / isabuhay natin

- gregoriovbituinjr.
11.30.2024

* kinatha sa ika-161 kaarawan ni Supremo Gat Andres Bonifacio

Ang mamahalin at ang mumurahing saging

ANG MAMAHALIN AT ANG MUMURAHING SAGING

nakabili ako ng saging sa 7-11
pagkat nais ko'y panghimagas matapos kumain
isa iyong lakatan subahil kaymahal na rin
ngunit ayos lang sapagkat tiyan ko'y nabusog din

hanggang mabasa ko ang isang ulat sa internet
tungkol sa banana art na sa dingding ipinagkit
na isinubasta at milyonaryo ang nagkamit
presyo'y 6.2 million dollar, wala nang humirit

tila sa kanya, presyo niyon ay napakamura
gayong sa akin, yaong bente pesos na banana
ay mahal na, talagang nakabubutas ng bulsa
magkaibang uring minulan, sadyang magkaiba

marahil ay pareho rin naman ang aming saging
kung matamis sa kanya, matamis din ang sa akin
ginawang banana art ang kanya kaya mahal din
subalit kapwa may potassium din kapag kinain

- gregoriovbituinjr.
11.30.2024

Ang makita ng makata

ANG MAKITA NG MAKATA

sa paligid ay kayraming paksa
samutsaring isyu, maralita,
dilag, binata, bata, matanda,
kalikasan, ulan, unos, baha

kahit mga karaniwang gawa
ng magsasaka at manggagawa
anumang makita ng makata
tiyak gagawan niya ng tula

tulad ng inibig niyang kusa
sinta, madla, tinubuang lupa
nasunugan, naapi, kawawa
tutula siyang puno ng sigla

pagkat buhay niya ang kumatha
at kakatha siyang buong laya
subalit di ang magpatirapa
sa mapang-api, tuso't kuhila

kung dapat, maghihimagsik sadya
upang hustisya'y kamtin ng madla
pluma niya'y laging nakahanda
maging ang katawan, puso't diwa

- gregoriovbituinjr.
11.30.2024

* kinatha sa ika-161 kaarawan ni Supremo Gat Andres Bonifacio