Linggo, Nobyembre 2, 2025

Huling kandilâ ngayong gabi

HULING KANDILÂ NGAYONG GABI

huling gabi ngayon ng Undas
at trabaho na naman bukas
huling kandilâ ngayong gabi
ay tahimik ko nang sinindi

subalit lalagi ko pa ring
ang sinisinta'y gunitain
at kumathâ ng tulang tulay
sa kanya't tanging inaalay

di pa rin ako makatulog
katawan sana'y di mahulog
kundi maging malusog lagi
nang matupad ang mga mithi

nasasadiwà kita, irog
dagat man ay kati o taog
lalagi ka sa pusò, sinta
sa bawat gabi at umaga

- gregoriovbituinjr.
11.02.2025

Paglaban sa kurakot

PAGLABAN SA KURAKOT

ano pang dapat gawin kundi ang kumilos
laban sa kaapihan at pambubusabos
laban sa sanhi kayâ bayan ay hikahos 
laban sa burgesyang sa masa'y nang-uulos

laban sa mga pulitikong budol-budol
laban sa mga nasangkot sa ghost flood control
laban sa mga trapong ang bulsa'y bumukol
na pondo ng bayan ay ninakaw ng asshole

laban sa buwayang wala nang kabusugan
laban sa buwitreng ugali'y katakawan
laban sa ahas na punò ng kataksilan
laban sa hudas para lang sa kayamanan

O, taumbayan, iligtas ang bansang ito
laban sa pangungurakot ng mga trapo
laban sa pagnanakaw ng buwis at pondo
ng bayan, kurakot ay ikulong na ninyo!

- gregoriovbituinjr.
11.02.2025

* litrato kuha sa Bantayog ng mga Bayani

Luksong baka, luksong baboy

LUKSONG BAKA, LUKSONG BABOY

luksong baka / ang laro ng / kabataan
noong wala / pa ang pesbuk, / kainaman
laro nila / ng katoto / sa lansangan
larong ito / ba'y iyo pang /naabutan?

ngunit iba / ang laro ng / mga trapo
nilalaro'y / pagnanakaw / nitong pondo
ng kawawang / bansa, na di / na sekreto
binababoy / ng kurakot / ang bayan ko

luksong baboy / pala yaong / nilalarò
nitong lingkod / bayang tila / ba hunyangò
habang masa / sa ayuda / inuutô
ninakawan / sila'y di pa / natatantô

lumulukso / ang kawatan / pakunwari
may insersyon, / kickback, lagay / at paihi
kabang bayan / pala yaong / binuriki
bilyong pisong / nakaw, masa'y / dinuhagi

na kung di pa / nagbabaha / sa kalsada
di nabuking / na binaboy / ang sistema
O, bayan ko, / binabahâ / kang talaga
mga trapong / kurakot ay / ikulong na!

- gregoriovbituinjr
11.02.2025

* mga larawan mula sa google

Sabaw ng talbos ng kamote't okra

SABAW NG TALBOS NG KAMOTE'T OKRA

pinainit na ang tiyan nitong umaga
ininom ang mainit na sabaw ng okra
at talbos ng kamote, na di man malasa
ay tiyak na ito'y pampalakas talaga

nagising kasi kaninang madaling araw
sa labas ng bahay ay may nakitang ilaw
nagsindi palang kandila ang kapitbahay
na hanggang sa ngayon ako pa'y nagninilay

di pa makatulog gayong nais umidlip
mamaya, pagod kong mga mata'y pipikit
ipapahinga ang katawan, puso't isip
upang mga tula sa diwa'y iuukit

kailangang laging malusog ang katawan
laging isipin ang lagay ng kalusugan
kaya talbos ng kamote't okra'y mainam
na ulam pati sabaw nitong pang-agahan

- gregoriovbituinjr.
11.02.2025

Apat na kandila sa labas ng bahay

APAT NA KANDILA SA LABAS NG BAHAY

madaling araw, naihi ako
nang makita sa labas ng bahay
may nakasinding kandilâ, naku
salamat sa sinumang nag-alay

agad kong nilitratuhan iyon
kasama yaong dalawang pusà
salamat po sa nagsindi niyon
alay sa kabiyak kong nawalâ 

kapuso't kapamilyang namatay
ngayong All Souls Day, inaalala
si Dad, sina Kokway, Libay, Nanay
Sofia, nagunita talaga

matapos tulang ito'y kathain
ako'y pipikit na't maiidlip
at mamaya ay muling gigising
na matiwasay ang puso't isip

- gregoriovbituinjr.
11.02.2025