Biyernes, Setyembre 25, 2020

Dalhin mo ang basura mo

"Bring your trash with you when you leave" ang nasa karatula
ang basura mo'y di itatapon, dadalhin mo na
kaya ba ng dibdib mo ang ganitong disiplina?
na basura mo'y basura mo, dapat mong ibulsa

"Return packaging materials to the store of purchase."
ang bilin ba nilang ito sa palagay mo'y labis?
pinuntahan mo'y "garbage-free zone", di ka ba nainis?
di ba't kaygandang sariling basura'y iniimis?

tama bang basura mo'y sa bulsa muna isuksok?
ganitong gawi ba'y masisikmura mong malunok?
ihiwalay ang nabubulok sa di nabubulok
magsunog ng basura'y bawal, nakasusulasok

"Kung di mo kayang maglinis, huwag ka nang magdumi."
ang biling ito sa bayan at sarili'y may silbi
di ba't ang malinis na lugar ay nakawiwili?
"Tapat ko, linis ko" ay islogang dulot ay buti

- gregoriovbituinjr.

Paglalaro ng math games sa selpon

madalas, kaysarap maglaro ng math games sa selpon
lalo na't napagod sa ginawa buong maghapon
pahinga'y maglaro nito kaysa paglilimayon
nahasa ang utak, baka humusay pa paglaon

larong nagagamit ang kaalaman sa aldyebra
o dyometriya, mga sangay ng matematika
lalo na't mga numero'y lagi nating kasama
baka matuto ka pa ng samutsaring pormula

mayroong pabilisan ng adisyon at subtraksyon
may patalasan sa multiplikasyon at dibisyon
pormulang M.D.A.S. ay masusubok mo doon
sa mundo ng sipnayan ay tila ka naglimayon

sinong maysabing matematika'y nakakatakot
kung sa math games sa selpon ay natutong pumalaot
madali mo pang mabura't maiwasto ang sagot
ang saya-saya na, laro pa'y di nakakabagot

- gregoriovbituinjr.

Ginisang kamatis at hibe

madalas, upang makamura'y di na magkakarne
tulad ngayon, ginisa ko ang kamatis at hibe
lalo't kwarantina, walang kita, di mapakali
nagkasya man sa murang ulam, di ka magsisisi

kung may serbesa't alak lang, kaysarap na pulutan
habang bumabangka ka sa samutsaring kwentuhan
sa sarap ng luto, baka ngalan mo'y malimutan
haha, aba'y grabe, hibe't kamatis pa lang iyan

sa panahon ngayon, kailangang magtipid-tipid
magtanim-tanim din ng gulay sa pali-paligid
malay mo, masagip sa gutom ang iyong kapatid
at pamilya dahil nagsipag ka, di mo ba batid?

mag-ulam din ng hibe't kamatis paminsan-minsan
lalo na't tulad ko'y vegetarian at budgetarian
kung maiksi ang kumot, mamaluktot ka rin naman
saka umunat pag kinikita na'y kainaman

- gregoriovbituinjr.

* Halagang P25.00 ang kilo ng kamatis dito sa Benguet

Payong

tila dwende ang naroong nakasandal sa dingding
na marahil agad reaksyon mo sa biglang tingin
baka matakot ka agad pagkat mapamahiin
iyon pala'y payong lang kung lapitan mo't suriin

bakit kasi doon sa pader sinandal ang payong
nahintakutan tuloy yaong nakakita niyon
paumanhin kung natakot ka, amin iyang payong
basa iyan kanina't nilagay ko iyan doon

gayunman, sa matatalas at mapanuring mata
tanong agad: "Kaninong payong 'to? Pahiram muna."
malakas pa naman ang ulan, di siya nagdala
ng payong na magagamit pagtawid ng kalsada

kaya dapat maging mapanuri kahit nasaan
sinabi ng mata'y huwag agad paniwalaan
dapat may kongkretong pagsusuri sa kalagayan
upang malayo sa anupamang kapahamakan

- gregoriovbituinjr.