Martes, Nobyembre 4, 2025

Tibuyô

ANG IKATLO KONG TIBUYÔ

natutunan ko kay Itay
ang magtipid sa tibuyô
isang aral iyong tunay
sa puso't diwa'y lumagô

maganda muling simulan
ang magtipid sa tibuyô
sampung piso lang ang laman
na balang araw, lalagô

ikatlo ito sa akin
una'y nasa isang bahay
nasa tatlong libo na rin
nang mapunô iyong tunay

ang ikalawa'y nawalâ
nasa dalawang libo na
noong bahay ay ginawâ
umuwi ako'y walâ na

sana, ikatlong tibuyô
ay mapunô ko ng barya
bente pesos, tigsasampû
tiyagâ lamang talaga

- gregoriovbituinjr.
11.04.2025

* tibuyô - salitang Batangas sa Kastilang alkansya

Pribatisasyon at korapsyon

PRIBATISASYON AT KORAPSYON 

pribatisasyon at korapsyon
kambal na buwayang lalamon
sa bayan, para ring buwitre
o mga ahas na salbahe

masa'y dinala sa ayuda
namayagpag ang dinastiya
sinapribado ang NAIA
tila NHA pribado na

EO 34, 4PH ngâ
na di pala para sa dukhâ
may PAG-IBIG, di pwede walâ
pribatisasyon na ring sadyâ

sa R.A. 12216 ngâ
nasa relokasyon kawawâ
pag bahay ng dukha'y mawalâ
dahil di nagbayad ng akmâ

pati RA 12252
na pinirmahan ng pangulo
99 years upa ng dayo
sa mga lupa natin dito

krisis na ito'y alpasan na
baguhin natin ang sistema
patuloy na mag-organisa
sistemang bulok, alpasan na!

- gregoriovbituinjr.
11.04.2025

* tulang nilikha at binigkas ng makata sa pagtitipon ng mga manggagawa sa UP SOLAIR (School of Labor and Industrial Relations)

Ang buhay ay isang paglalakbay

ANG BUHAY AY ISANG PAGLALAKBAY

ang buhay ay isang paglalakbay
tulad ng kinathang tula'y tulay
sa pagitan ng ligaya't lumbay
sa pagitan ng bulok at lantay
sa pagitan ng peke at tunay

nilalakad ko'y mahabang parang
lalampasan ang anumang harang
pahinga'y adobo at sinigang
muli, lakad sa gubat at ilang
bagamat sa araw nadadarang

tao'y pagkasanggol ang simulâ
sunod mag-aaral mulâ batà
hanggang magdalaga't magbinatâ
ikakasal habang talubatâ
panaho'y lilipas at tatandâ

ang mahalaga rito'y paano
isinabuhay kung anong wasto
lalo na sa pagpapakatao
at pakikipagkapwa sa mundo
habang ginagawa anong gusto

di ang pagkamal ng kayamanan
o ng pribadong ari-arian
na kinurakot sa kabang bayan
yamang pagkatao'y niyurakan
yamang di dala sa kamatayan

- gregoriovbituinjr.
11.04.2025