HALALAN AT KAMATAYAN NG BAYANI
(Mayo 10, 2010 at Mayo 10, 1897)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod
Kasabay ng halalan ngayon
ay atin ding alalahanin
sandaan labingtatlong taon
ang nakaraan ng yanigin
ang ating pagkamahinahon
nang Supremo'y sadyang paslangin
ng nagtraydor sa rebolusyon
Dahil atas ni Aguinaldo
mga buhay nila'y pinatid
at si Gat Andres Bonifacio
kasama ang kanyang kapatid
na nagngangalang Procopio
sa Bundok Buntis ibinulid
at kamatayan ang natamo
Kasabay ngayon ng halalan
kayraming kandidatong trapo
at hindi mo na rin malaman
kung sila'y talagang seryoso
sila ba'y magpapayaman lamang
maglilingkod pa ba sa tao
o trapong ito ba'y kawatan?
Kung noon bayani'y pinatay
papatayin ng trapo ngayon
ay baka bukas nati't buhay
tayo'y kanilang hinahamon
sa kanila'y huwag bumigay
ating gawin ngayong eleksyon
ang boto'y alagaang tunay