Biyernes, Agosto 2, 2024

Pananghalian

PANANGHALIAN

sardinas na'y muli kong ginisa
at agad inihain sa mesa
pagkat gutom na itong nadama
di sapat ang kain sa umaga

sa gutom ay di na nakatiis
ang tiyan ko't katawang kaynipis
buti't may nabili na si misis
na delatang sa gutom papalis

kanina'y nakapagsaing na rin
kaya ulam lang ang lulutuin
matapos ang mahabang sulatin
ang gutom na'y dumalaw sa akin

kain agad nang ito'y maluto
puso ko'y sumigla sa pagsuyo
at mata ko'y di na lumalabo
gutom na'y unti-unting naglaho

- gregoriovbituinjr.
08.02.2024

Ginisang sardinas

GINISANG SARDINAS

niluto kong muli ay ginisang sardinas
na sahog ay kamatis, bawang at sibuyas
umano'y pagkain ng mga nasalanta
bagamat nabili sa tindahan kanina
sardinas ay pagkain daw ng mahihirap
pantawid gutom bagamat di raw masarap
isipin mo na lang daw na malasa ito
na nakabubusog din kahit papaano
O, sardinas, sa lata'y piniit kang sadya
upang dukha'y may makain at guminhawa
may pagkain din ang nasalanta ng unos
upang bituka'y di parang nanggigipuspos
salamat, sardinas, ikaw ay naririyan
na aming kasangga, saanman, kailanman

- gregoriovbituinjr.
08.02.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tI7vXy-LeF/ 

Liwayway ng panitikan

LIWAYWAY NG PANITIKAN

ngayong Buwan ng Wika'y ating pagpugayan
ang ambag nitong Liwayway sa panitikan
narito ang magagaling sa pasulatan
at maraming sumikat na dito dumaan

sanaysay, komiks, kwento't tula'y naririto
manunulat ay talagang hahangaan mo
pati alagad ng sining at potograpo
may nobela pang pinelikulang totoo

noon nga'y lingguhan, magasing pampamilya
malaki't malapad pa ang kanyang itsura
ngayon, ito'y lumiit, naging buwanan na
ngunit Liwayway pa ring ating mababasa

maraming salamat, nariyan ka, Liwayway
dahil ating literatura'y natutunghay
hanggang ngayon, kami rito'y nakatugaygay
sa iyong nobela, kwento, tula't sanaysay

- gregoriovbituinjr.
08.02.2024

Bayaning aso't pusa

BAYANING ASO'T PUSA

buti't naagapan ang bahay ng matanda
na muntik-muntikan nang lamunin ng apoy
buti't nag-ingay ang alagang aso't pusa
kundi'y naagnas na ang bahay, ay, kaluoy

buti't may mga alaga siya sa bahay
na kapuso't kapamilya na kung ituring
buti't ang kanyang mga alaga'y nag-ingay
kaya naalimpungatan sa pagkahimbing

kaya sa ikalawang palapag nagpunta
bakit nag-iingay ang alaga'y nalantad
bahagi ng bahay ay nasusunog pala
kaya tinangka niyang apulain agad

subalit di kinaya, kaya nagpatulong
at bumbero'y agad inapulang mabuti
ang apoy na kabahayan na'y nilalamon
salamat, nag-ingay ang aso't pusang saksi

- gregoriovbituinjr.
08.02.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 25, 2024, pahina 2

Wikang Filipino: Wikang Mapagpalaya

WIKANG FILIPINO: WIKANG MAPAGPALAYA

kayganda ng tema ngayong Buwan ng Wika
Wikang Filipino: Wikang Mapagpalaya
wikang gamit ng maralita't manggagawa
nagkakaunawaan sa wika ng madla

wikang bakya, ayon sa mga Inglesero
masakit pa, wika ng alipin daw ito
wika ng mababang uri't minamaltrato
wika raw ng walang pinag-aralan ito

huwag nating hayaang ganito ang turing
ng mga Ingleserong animo'y balimbing
wikang Filipino'y wika ng magagaling
huwag payagang ito'y aapi-apihin

wikang Filipino'y gamit sa panitikan
gamit sa kapwa't pakikipagtalastasan
wika ng mga bayani sa kasaysayan
wikang mapagpalaya ang wika ng bayan

sa lahat ng manunulat, mananalaysay
sa lahat ng kwentista, mabuhay! MABUHAY!
sa lahat ng mga makata, pagpupugay
sa lahat ng manggagawa't dukha, MABUHAY!

- gregoriovbituinjr.
08.02.2024