Martes, Oktubre 14, 2025

Maging magsasaka sa lungsod

MAGING MAGSASAKA SA LUNGSOD

halina't tayo'y magtanim-tanim
upang bukas ay may aanihin
tayo man ay nasa kalunsuran
mabuti nang may napaghandaan

baka di makalabas at bahâ
lepto ay iniiwasang sadyâ
noong pandemya'y di makaalis
buti't may tanim kahit kamatis

ipraktis na ang urban gardening
nang balang araw, may pipitasin
alugbati, talbos ng kamote
okra, papaya, kangkong, sayote

magtanim sa maliit mang pasô,
sa lata, gulong na di na buô
diligan lang natin araw-araw
at baka may bunga nang lilitaw

- gregoriovbituinjr.
10.14.2025

* litrato kuha sa Villa Immaculada, Intramuros, Maynila, Oktubre 4, 2025

Tanggalin na ang pork ng mga baboy

TANGGALIN NA ANG PORK NG MGA BABOY

tanggalin na ang pork ng mga baboy
silang dinala tayo sa kumunoy
ng kahirapa't pagiging kaluoy
tanggalin na ang pork ng mga baboy

tanggalin na ang pork ng mga trapo
lalo't masa'y kanilang niloloko
lalo't masa nama'y nagpapaloko
sa mga mayayamang pulitiko

tanggalin na ang pork ng mga iyon
lalo't dulot nito'y pawang korapsyon
sa flood control nina Senador Kotong
at Kongresista Bundat sa paglamon

tanggalin na ang pork ng mga korap
na mga pulitikong mapagpanggap
lalo't baha'y ating kinakaharap
na sa bayan ay talagang pahirap

- gregoriovbituinjr.
10.14.2025

Proyektong 'ghost' flood control

PROYEKTONG 'GHOST' FLOOD CONTROL

pulos buhangin, konting semento?
sa flood control, o wala nga nito?
bakit baha pa rin sa bayan ko?
bakit 'ghost' ang kanilang proyekto?

di pala climate change ang dahilan
sa flood control kundi kurakutan 
dapat mapanagot ang sinumang
bitukang halang na nagpayaman

konggresista't senador na suspek
na sa pera ng bayan ay adik
dapat sa piitan na isiksik
at huwag tayong patumpik-tumpik

nakaiiyak, nakalulungkot
ang nangyayari't kayraming salot
na lingkod bayang dapat managot
ikulong na lahat ng kurakot

baguhin na ang sistemang bulok 
pagkat kabuluka'y di pagsubok
kundi gawain ng mga hayok
na sa salapi'y pawang dayukdok

- gregoriovbituinjr.
10.14.2025

* litrato kuha sa Luneta sa Maynila, Setyembre 21, 2025

Pagninilay

PAGNINILAY

i
di nagkakasakit ang bakal
kahit kalawang pa'y kainin
isa itong magandang aral
mula ating salawikain

ii
isa lang akong maralita
na nakikipagkapwa-tao
kasangga rin ng manggagawa
na sadyang nagpapakatao

iii
bulsa ng korap na bumukol
ay dahil sa sistemang bulok
sa korapsyon talaga'y tutol
panagutin ang mga hayok

iv
ang oligarkiya'y kalawang
ang dinastiya'y kalawang din
na sinisira'y ating bayan
sagpang pati ating kakánin

- gregoriovbituinjr.
10.14.2025