Martes, Abril 11, 2023

Pahimakas kay Lola Yuen

PAHIMAKAS KAY LOLA YUEN

una ko siyang nakilala sa Lagman Law Office
kausap pa niya noon si Ka Sara Rosales
hanggang makasama namin siya nang ilang beses
sa mga pagkilos sa mga isyung di matiis

pagkat kailangang magsalita sa mga isyu
na talagang tumatama sa karaniwang tao
si Lola Yuen ay nagtatalumpating totoo
upang masabi ang panig ng tao sa gobyerno

sa matagal na panahon ay di na nagkasama
dahil sa magkaibang samahan kami napunta
subalit sa mga gawain, minsan nagkikita
siya'y gayon pa rin, napakamahinahon niya

nakikita siya sa Freedom from Debt Coalition,
sa P. M. C. J., at iba't ibang organisasyon
na kinatawan ng Partido Manggagawa roon
at kita mong masigasig siya sa nilalayon

sa iyo, Lola Yuen, taospusong pagpupugay
salamat sa panahon at buhay mong inialay
para sa uri at bayan, mabuhay ka! MABUHAY!
muli, Lola Yuen, taaskamaong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
04.11.2023

* Binasa ng makata sa parangal para kay Lola Yuen

Kapag ako'y pinatula

KAPAG AKO'Y PINATULA

kapag ako'y pinatula
ako'y agad naghahanda
basta batid ko ang paksa
lalo na't hinggil sa madla

di na ako humihindi
at nagbabakasakali
may tulang mamumutawi
mula sa diwa ko't labi

bihirang pagkakataon
yaong ganyang imbitasyon
kaya agad yaring tugon
upang makabigkas doon

laking pasasalamat ko
sa nag-imbitang totoo
tula'y bibigkasing todo
wala mang salapi rito

pagbibigyan bawat hiling
kung makakatulong man din
pagtula ang aking sining
na lagi't laging gagawin

- gregoriovbituinjr.
04.11.2023

Ang nais kong banghay ng una kong nobela

ANG NAIS KONG BANGHAY NG UNA KONG NOBELA

nais kong makalikha ng isang nobela
isang nobela muna, iyon pa ang kaya
kaya sa pagkatha ng kwento'y magsanay pa
saka paghandaan ang maging nobelista

kaya dapat pag-aralan pa ang lipunan
pagkat mula roon ang banghay ng kwentuhan
walang bida o iisang bidang tauhan
kundi ang bida'y yaong buong sambayanan

anti-hero kumbaga ang aking estilo
pagkat ang pangarap kong bida'y kolektibo
nagsama-sama ang dukha't uring obrero
laban sa mga mapagsamantala't tuso

ayoko ng bidang prinsesa, hari't pari
na dahilan kaya masa'y napapalungi
ang nais kong bida'y masang may minimithi
na pangkalahatan, anumang kanyang lipi

di natin kailangan ng mga Superman
na may isang manunubos ng santinakpan
kundi sama-sama itong kilos ng bayan
iyan ang nobela kong nais, ganyang-ganyan

- gregoriovbituinjr.
04.11.2023

Salin ng mga termino sa matematika't agham

SALIN NG MGA TERMINO SA MATEMATIKA'T AGHAM

kung salin ng siyensya ay agham
ang matematika ay sipnayan
habang artitmetik ay bilnuran
geometry naman ay sugkisan

aba'y sinalin na pala ito
sa sariling wikang Filipino
aba'y lalo tayong matututo
kung gamit ay wika natin dito

ang set algebra'y palatangkasan
habang ang algebra'y panandaan
trigonometry ay tatsihaan
statistics ay palautatan

danumsigwasan ay sa hydraulics
buhagsigwasan sa pneumatics
initsigan sa thermodynamics
habang liknayan naman sa physics

timbulog, salin ng spherical
tulad ng laumin sa integral
tingirin naman sa differential
ah, pagsalin na'y ating itanghal

salin ng calculus ay tayahan
biology naman ay haynayan
salin ng equation ay tumbasan
ang dynamics naman ay isigan

salin ng monomial ay isakay
sa binomial naman ay duhakay
salin ng trinomial ay talukay
at sa polynomial ay damikay

tingni: isa, duha, talu, dami
sa mono, bino, trino, at poly
kapnayan ang salin sa chemistry
haykapnayan sa biochemistry

salin naman ng solid ay siksin
habang sa gravity nama'y dagsin
aba'y kayganda ng mga salin
na sa akda'y magandang gamitin

- gregoriovbituinjr.
04.11.2023