Lunes, Setyembre 20, 2021

Alkohol

ALKOHOL

lagi kong dala saanman ang alkohol na iyon
tapat siyang kasangga ko saanman pumaroon
lalaging nariyan sa bulsa sa buong maghapon
at magdamag, di dapat wala, di man maglimayon

tulad ng face mask, face shield at pagso-social distancing
siya'y lalagi nang kasangga maging sa paghimbing
proteksyon laban sa virus habang nakagupiling
paranoia? dapat kita ko siya pag nagising

kaytindi ng pananalasa ng COVID sa bansa
kayrami nang namatay, kayrami nang nangawala
ang alkohol, bilang kasangga, ay sadyang dakila
kahit paano, dama mong may proteksyon kang sadya

ngunit di lang alkohol ang dapat nating asahan
kundi sa loob ng pamilya'y ang pagtutulungan
mahalaga ang pagkakaisa't pagbibigayan
kahit sa ating tabi, alkohol ay mawala man

- gregoriovbituinjr.
09.20.2021