Linggo, Abril 3, 2022

Tapsilog

TAPSILOG

tapa, sinangag, itlog
kinakain ng kalog
sadyang nakabubusog
pagkaing pampalusog

kung ayaw ng sinangag
ayos lang, walang palag
may ibang ilalatag
gayundin sa magdamag

tapa, sinaing, itlog
wala nang ibang sahog
basta ba makabusog
sa tiyang nangangatog

sa gutom na'y panlaban
tiyan na'y malalamnan
sisigla ang kalamnan
sa tapsilog ng bayan

kahit buhay ko'y salat
aking pasasalamat
sa tapsilog nabundat
ang katawan kong payat

- gregoriovbituinjr.
04.03.2022

Ang tinatanim

ANG TINATANIM

tinatanim ko ang binhi ng prinsipyong hinango
sa buhay ng kapwa taong dumanas ng siphayo
dahil sa sistemang mapagsamantala't madugo
buhay ng mga api't kawawang dinuro-duro

tinatanim ko'y pangarap ng uring manggagawa
lipunang asam na may hustisya't mapagkalinga
lipunang patas at makatao para sa madla
na karaniwan ding paksa ng marami kong tula

tinatanim ko'y puso't diwang maka-kalikasan
mapangalagaan ang daigdig nating tahanan
punuin ng puno ang kinakalbong kagubatan
at kabundukan, mga kabukiran ay matamnan

tinatanim ko'y prinsipyong patas, mapagpalaya
na siyang tangan din ng mga bayaning dakila
aral sa Kartilya ng Katipuna'y isadiwa,
isapuso't isabuhay ng madla't maralita

nawa ating mga itinanim ay magsilago
tungo sa lipunang pangarap nating maitayo
may hustisyang panlipunan, walang trapo't hunyango
lipunang patas at makatao ang tinutungo

- gregoriovbituinjr.
04.03.2022

Romantiko

ROMANTIKO

O, nais kitang romansahin ng mga kataga
mula sa iwing damdamin yaring sinasalita
na pawang pagsinta ang sinasambit ko't sinumpa
sa harap ng liyag na mutya't kaygandang diwata

itutula'y pagkain para sa tiyan at bibig
itula'y sahod ng paggawang puso'y pumipintig
itutula'y mula sa pusong puno ng pag-ibig
itula'y isyu ng sambayanang laya ang tindig

at sa diwata'y patuloy ang aking panunuyo
pagkat sa kariktan talagang ako'y narahuyo
di sana maumid lalamunan sa panunuyo
sa mga nakapaligid ay huwag manibugho

romantiko man akong sa tula idinaraan
yaring pamimintuho sana'y di ito kawalan

- gregoriovbituinjr.
04.03.2022

Liwasang Balagtas

LIWASANG BALAGTAS

ako nga'y nagtungo sa Liwasang Balagtas
upang doon tula kong kinatha'y mabigkas
nag-iisa man, nag-selfie, walang palabas
ay nag-alay papugay sa dakilang pantas

sa ikadalawang daan tatlumpu't apat
niyang kaarawan habang araw pa'y nikat
maayos, tahimik sa Liwasang Balagtas
buti't ako'y tinanggap ng palad na bukas

mag-isa man ay nabigkas kong malumanay
bilang parangal sa kanya ang tulang alay
mula sa pananaliksik ko't pagninilay
ay nalikha rin ang tula ng pagpupugay

talaga kong sinadya ang liwasang pakay
at gumugol ng walong balikang pagsakay
O, Balagtas, pantas at sisne ng Panginay
tanging masasabi ko'y Mabuhay! MABUHAY!

- gregoriovbituinjr.
04.03.2022

* mga litratong kuha ng makatang gala sa Liwasang Balagtas sa ika-234 kaarawan ni Francisco Balagtas, 04.02.2022

Liway

LIWAY

aking pinanood ang pelikulang Liway
hinggil sa isang kumander ang talambuhay
na nangyari sa panahong di mapalagay
yaong bayan sa diktaduryang pumapatay

lalo ngayong nagbabanta ang pagbabalik
ng halimaw ng norte't takot ay ihasik
baka muling ilublob ang bayan sa putik
pag nanalo ang palalo't sukab na lintik

makatotohanang pagtalakay ang sine
sa panahon ng Buwan ng mga Babae
mga gumanap ay kayhuhusay umarte
kwento'y malalim, matalim, may sinasabi

huwag nating hayaang bumalik ang sigwa
ng panahong karapata'y binalewala
na mga nakibaka'y dinukot, winala
habang halimaw ng hilaga'y nagwawala

di dapat bumalik ang malagim na araw
sa likod ng bayan, may tarak na balaraw
nais nating payapa pag tayo'y dumungaw
na sana'y lipunang patas ang matatanaw

- gregoriovbituinjr.
04.03.2022