Lunes, Enero 4, 2010

Panahon na naman ng mga buwitre

PANAHON NA NAMAN NG MGA BUWITRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

naglipana na naman ang mga buwitre
nag-aastang sila't tulad ng kalapati
kunwari'y nakikinig na ang mga bingi
at nangangakong sa masa na'y magsisilbi

huhubarin ang mamahalin nilang saplot
mukhang basahan ang kanilang isusuot
para daw mga dukha'y kanilang maabot
ngingiting pilit kahit nais sumimangot

dahil kailangan ng buwitre ng boto
upang sa kagubatan sila na'y manalo
at magpapakabundat muli silang todo
habang likas-yaman ay inuubos nito

pabayaan ang uwak na sila'y ihalal
ngunit huwag ipanalo ang mga hangal
ipakitang kalapati'y may angking dangal
buwitre'y ibagsak sa gubat na masukal

Mungkahing Tita Flor Theme


MUNGKAHING
TITA FLOR THEME
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

I
Tita Flor, ilagay sa konseho
Sa Lunsod Quezon, sa Distrito Uno
Tita Flor, para sa pagbabago
Kaya siya na'y ating iboto

II
Si Tita Flor ang ating kasangga
Ating kasama sa hirap, dusa
Si Tita Flor ang ating pag-asa
Siya'ay matulungin sa masa

Koro:
Si Tita Flor, pag-asa ng masa
Si Tita Flor, ating konsehala
Si Tita Flor, isulat sa balota
Pagkat siya ang ating pag-asa

Ulitin ang I, II at Koro
Ulitin ang Koro ng 2 beses

(Si Tita Flor Santos ng Sanlakas ay tumatakbo sa pagkakonsehala ng Unang Distrito ng Lunsod Quezon sa Halalang 2010)

Mungkahing JV Bautista Theme


MUNGKAHING
JV BAUTISTA THEME
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

I
Kaytagal nang naghihirap ang sambayanan
Hirap pa rin sa kabila ng kaunlaran
Maraming nasa dusa, ilan ang mayaman
Dapat nang baguhin ang sistemang gahaman

II
At ngayon, dumating na ang ating pag-asa
Ang ating Senador na si JV Bautista
Ating pakatandaan ang pangalan niya
Aktibistang abogado, Jv Bautista

Koro:
Senador ng Masa
Sanlakas ng pwersa
Si JV Bautista
Ang ating pag-asa

III
SI JV Bautista, palaban sa Kongreso
Ay dapat lang ilagay doon sa Senado
Si JV Bautista ay atin nang iboto
Kung nais natin ng totoong pagbabago

Ulitin ang Koro

(Si JV Bautista, dating kongresista ng SANLAKAS partylist, ay tumatakbo sa pagkasenador sa Halalang 2010)