Martes, Hunyo 30, 2009

Huwag Sambahin ang mga Inglesero

HUWAG SAMBAHIN ANG MGA INGLESERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig

(Nang tinanggihan ng premyadong manunulat at nobelistang si Edgardo M. Reyes ang isang award na ipinagkaloob ng Komisyon ng Wikang Filipino noong Abril 2, 2009, kaarawan ni Balagtas, isa sa kanyang mga dahilan ay wala siyang nakikitang pag-unlad ng sariling wika. Ang sumusunod na tula ang pagninilay ko kung bakit di umuunlad ang sariling wika, at pati na ang bansa, kung saan naalala ko at taimtim na pinagnilayan ang isang saknong sa awiting 'Tayo'y mga Pinoy' ng Banyuhay ni Heber: "Mayroong isang aso, daig pa ang ulol, siya'y ngumingiyaw, hindi tumatahol, katulad ng iba, pa-ingles-ingles pa, na kung pakikinggan, mali-mali naman". Ah, hindi nga tayo dapat tumulad sa asong ngumingiyaw. Ambag ang tulang ito sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika sa darating na Agosto.)

sa Pilipinas, sinasamba ang mga Inglesero
dahil inaakalang mga ito'y matatalino
ngunit kung susuriin marami sa kanila'y bobo
upang di mahalata'y pala-Ingles ang mga ito

puro Ingles kahit kausap ay kapwa Pilipino
kaytagal na sa Pilipinas pero ayaw matuto
pag nagtatagalog ka, imperyor ang tingin sa iyo
tingin sa nagtatagalog, mababaw ang pagkatao

yaon daw mga Pilipinong di marunong magmahal
sa sariling wika, ayon sa dakilang Jose Rizal
ay kapara ng mabahong isda doon sa imburnal
nandidiring magtagalog itong Pilipinong hangal

mabuti pa ang totoong dayuhang nais matuto
ng katutubong wika kahit dayo lang sila rito
di gaya ng kapwa Pilipinong naging Inglesero
ingles ng ingles kaharap man ay kapwa Pilipino

e kasi dito, sinasamba ang mga Inglesero
paraan nila ito nang agad makilala rito
dahil kung magtatagalog baka malaman ng tao
na wala pala silang alam, kayhihina ng ulo

dinadaan sa paingles-ingles para makaisa
pagkat sa bansang ito, ang inglesero'y sinasamba
dahil magaling sa Ingles ay agad hahangaan na
aakalaing laki sa pangarap na Amerika

dapat nating salitain ang sarili nating wika
aralin natin ang tagalog, ilokano't bisaya
kapampangan, panggalatok, iba pang wika sa bansa
upang tayong lahat dito'y totoong makaunawa

ang Japan ay umunlad, di naman Ingles ang salita
ang Tsina'y bumabangon na gamit ay sariling wika
Latin Amerika'y nagkaisa sa wikang Kastila
marami pang umuunlad na di Ingleserong bansa

huwag na nating tingalain ang mga Inglesero
dahil yakap pa nila'y kaisipang kolonyalismo
superyor ang Ingles, imperyor ang wikang Pilipino
sa ganitong kaisipang pulpol, uunlad ba tayo?

ingles ay tamang gamitin doon sa mga dayuhan
sariling wika naman pag kausap ay kababayan
ito nga ang nararapat nating gawing panuntunan
kung nais pa nating sumulong at magkaunawaan

Kahungkagan

KAHUNGKAGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ano bang naambag
ng mga tiwaling pulitiko
upang mapanatag
ang bayan sa serbisyo publiko

wala kundi hungkag
na pamumuno't pagkatuliro
ang sinasagisag
nitong mga trapo sa gobyerno

lagi silang bulag
sa dustang kalagayan ng tao
at mistulang bangag
sa kapangyarihang natatamo

ang trapo'y kaylibag
ng pamamahala at serbisyo
di dapat pumayag
tayong mamamayan sa ganito

dapat nang malansag
ang sistemang bulok nitong trapo
bago pa malaspag
itong ating bansa't pagkatao

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo XIV, Blg. 1, Taon 2009, p. 8.

Sa Isang Blangkong Papel

SA ISANG BLANGKONG PAPEL
ni Matang Apoy
8 pantig

(ayon sa isang taga-multiply, "wala akong magawa. kahit madaming gagawin", na sinagot ko ng tula)

ito ang magandang berso
na aking pinakagusto

na gagawan ko ng tula
upang ako'y may magawa

kahit maraming gawain
at dapat pakaisipin

maraming salamat dito
at may magagawa ako

at sa isang blangkong papel
ay nag-iisip ng anghel

na dadalaw sa haraya
ng naritong manunula

Hindi Palulupig

HINDI PALULUPIG
ni Greg Bituin Jr.
tanaga

sa ating diwa't tindig
at sa puso'y pumintig
ang bayang iniibig
ay hindi palulupig

Lunes, Hunyo 29, 2009

Galaw ng Trapo'y Estilong Basahan

GALAW NG TRAPO'Y ESTILONG BASAHAN
ni Gregorio V. Bituin jr.
11 pantig

galaw ng trapo'y estilong basahan
ang nililinis ay kaban ng bayan
ang mga trapo nga'y nagbubundatan
lalo na yaong kanilang lukbutan

pag kampanyahan laging bukambibig
maglilingkod sa bayang iniibig
pag nasa pwesto na'y di na marinig
pagkat iyon pala'y kabig ng kabig

paano'y dapat bawiing tuluyan
ang milyones na gastos sa halalan
pagkat ang sweldo'y maliit lang naman
kaya nagnanakaw sa kabang-yaman

imbis magserbisyo sa mga tao
ang serbisyo'y ginagawang negosyo
ganito bumawi ang mga trapo
utak-basahang di dapat manalo

kaya sa pagsapit nitong halalan
iyang mga trapo'y dapat bantayan
ngunit dapat silang pakaingatan
baka buhay mo ay gawing basahan

kabisado na ng bayan ang trapo
kaya Comelec bantayan ding todo
dahil dumarami ang madyikero
dagdag-bawas, kapalit milyong piso

galaw ng trapo'y estilong basahan
pagkat marami pang katiwalian
kaya bayan ay pulos kahirapan
kawawa lagi itong sambayanan

kailangan natin ng pagbabago
ngayon pa lang ay kumilos na tayo
sa basura nababagay ang trapo
at di sa gobyerno ng mga tao

Sabado, Hunyo 27, 2009

Trapo'y Nakatunganga

TRAPO'Y NAKATUNGANGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig

trapo'y walang ginawa
sa uring manggagawa
at mga maralita
kundi ang tumunganga.

Trapong Bulok, Trapong Bugok

TRAPONG BULOK, TRAPONG BUGOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

itong bayan natin ay nalulugmok
dahil sa mga trapong nabubulok
o, bayan, sa ating pakikihamok
trapo'y dapat lang tigpasin ng gulok

pag halalan lang sila kumakatok
sa buhay ng masang walang naimpok
kundi galit sa namumunong bugok
at sa sistemang kaytindi ng dagok

trapo'y kapara ng ligaw na lamok
dugo ng masa'y lagi nilang tutok
maghilom man ang sugat ay balantok
ulo't sikmura'y laging binabagok

o, panahon nang itapon ang bulok
lalo na yaong mga trapong bugok!

Mga Kwentong Trapo

MGA KWENTONG TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

Namatay na raw ang kwentong kutsero
Ngunit buhay pa ang kwentong barbero
At may nadagdag na iba pang kwento
Tulad ng mga kwentong babaero
At meron pa rin daw kwentong sanggano.

Ngayon, ang uso'y itong kwentong trapo
Na usapan ng mga pulitiko
Doon sa Senado at sa Kongreso
Na Konstitusyon ay nais mabago
At gobyerno'y gawing parlyamentaryo.

At kung sakaling mangyayari ito
Titiyakin ng pangulong tatakbo
Mula Malakanyang tungong Kongreso
Na sa kanyang balwarte'y mananalo
Tatalunin ang karibal sa pwesto.

Ganap nang magiging punong ministro
Kung siya manalo sa parlyamento
Habang mga kakamping pulitiko
Ay may biyayang milyun-milyong piso
Kaytapang ng apog ng mga ito.

Ay, ganito ang mga kwentong trapo
Maaalibadbaran kahit sino
Kaya kung nais nati'y pagbabago
Aba, magkaisa't kumilos tayo
At baguhin ang lipuna't gobyerno.

Pagkamatay ng Kwentong Kutsero

PAGKAMATAY NG KWENTONG KUTSERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Noon daw sa bayan nating ito
Ay palasak ang kwentong kutsero
Saluhan pa ng kwentong barbero
Aba'y buhay na buhay ang kwento
Tsismis o kaya'y balita ito.

Ngayon tumatanda na ang mundo
Bihira na ngayon ang kutsero
Pagkat karitela'y di na uso
Sasakyan na ang minamaneho
Kaya wala nang kwentong kutsero.

Ngunit meron pang kwentong barbero
Lalo na sa barberya sa kanto
Makipaghuntahan lang kay Pedro
Habang ginugupit ang buhok mo
Ay marami siyang ikukwento.

Kasaysayan ng Dalawang Kalapati

KASAYSAYAN NG DALAWANG KALAPATI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

i.

Kalapating mataas ang lipad
Kalawakan ay ginagalugad
Naghahanap ng uod o higad
Para sa anak na nasa pugad.

ii.

Kalapating mababa ang lipad
Ang turing kay Magdang sawimpalad
Na lagi na lang kinakaladkad
Upang gumiling na at maghubad.

Ibagsak ang mga Trapo

IBAGSAK ANG MGA TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig

Kawawa na naman tayo
Pag sila'y muling naboto
Kaya ang panawagan ko:
Ibagsak ang mga trapo!

Trapo'y mga pulitiko
Na ginagawa sa pwesto
Serbisyo'y ninenegosyo
Kaya't di nagseserbisyo.

Pag ang namumuno'y trapo
Kawawa ka, Pilipino
Sistema'y dapat mabago
Kaya magkaisa tayo!

Ibagsak ang mga trapo
Huwag paapi, bayan ko!

Huwebes, Hunyo 25, 2009

Sa isang dilag na bagong gising

SA ISANG DILAG NA BAGONG GISING
(tugon sa isang ka-multiply)
11 pantig

buti't nakatulog ka ng mahimbing
kaya pala ngayon ay naglalambing
tiyak kong kaysarap ng iyong gising
pagkat nalikha pa'y akdang masining

Sa iyo, Pag-ibig

SA IYO, PAG-IBIG
(tugon sa tula ng isang taga-multiply)
10 pantig

ako ngayo'y tila nanginginig
minamahal din kita, pag-ibig
ikaw sana'y aking makaniig
at ikukulong sa aking bisig

o, pag-ibig, minahal na kita
ikaw'y laging nasa alaala
sa puso ko'y itinanim ka na
lagi kitang didiligan, sinta

hanggang tuluyan kang mamulaklak
sa puso kong ginawang busilak
at ang bango mo'y humahalimuyak
at kitang dalawa'y hahalakhak

o, pag-ibig, sa iyong paghakbang
sa ibang dako, maging sa ilang
sana'y huwag mo akong iiwan
pagkat yao'y aking kamatayan

kung ako ay iyong lilimutin
para akong tinulak sa bangin
tuluyang maglalaho sa hangin
kaya sana ako'y iyong dinggin

Ang Ginarapal

ANG GINARAPAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

i.

may isang dilag na basal
ang ninakawan ng dangal

natagpuang hinihingal
takot na takot at pagal

katawan ay nangangatal
at siya pa'y nagduduwal

ii.

buong bayan ay nagimbal
lahat ay napatigagal

yaon namang mag-aaral
na kasuyo niyang mahal

ay napoot sa karibal
sa gawang karumal-dumal

iii.

sa isip ng mag-aaral
di napagtanggol ang mahal

kung siya na'y nagpakasal
ay di sana ginarapal

ang kaylaon nang minahal
ngunit siya ay kaybagal

iv.

pasiya ng mag-aaral
ipaghiganti ang mahal

at ang may sala'y masakal
ay, hinasa na ang punyal

nasang buhay ay mapigtal
ng nanggahasang karibal

v.

sa gawa nilang garapal
at sa mga krimeng brutal

ay di sapat ang pagbuntal
o paglatigo sa hangal

dapat ibigay na aral
ay ipiit ang pusakal

vi.

ang balita'y parang ritwal
naulit ang gawang hangal

hustisya sana'y iluwal
at bigla'y aking nausal:

sana'y di magpatiwakal
ang dilag na minamahal

Lunes, Hunyo 22, 2009

Pagbabaka-sakali kay Kongresman

PAGBABAKA-SAKALI KAY KONGRESMAN
ni Matang Apoy
10 pantig

Wala kang pakialam sa dukha
Lalo na sa mga maralita
Dulot mo'y pulos dusa at luha
Kongresman, dapat ka lang isumpa.

Gutom pa ba bituka mong halang
Kaya ginagawa'y panlilinlang
Nais mo yatang kami'y lumutang
Sa dagat ng dugo't kahirapan.

Buong taon ay iyung iyo na
Habang sa masa ang pagdurusa
Dapat bang ikaw ay pagbigyan pa?
Dapat sa'yo'y ibagsak ng masa!

Sa yaman, masyado kang matakaw
Pagkain mo'y tila di matunaw
Maari bang kahit isang araw
Saluhan mo kami sa nilugaw.

Ikaw muna'y aming pagbibigyan
At sana kahit isang araw lang
Ipakita mo sa buong bayan
Ay kabutihan ng sambayanan.

Kahit isang araw lang, kongresman
Itigil mo ang pagkagahaman
Itigil na rin ang kurakutan
Itigil din pati karahasan.

Kung hindi'y ibabagsak ka namin
Sa bansa'y di ka paaalisin
Dapat sa tulad mo'y latiguhin
At ikaw'y tuluyan nang sumpain.

Linggo, Hunyo 21, 2009

Suntok sa Buwan

SUNTOK SA BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

paano susuntukin ang buwan
kung ikaw’y palambot-lambot naman

nais mo bang mawalang tuluyan
ang angkin niyang kaliwanagan

paano kung gantihan ka niyan
masasaktan payat mong katawan

at pag nadale ka na sa tiyan
aaga yaong gabing karimlan

kung nais mong siya’y mapuruhan
dapat mo lang siyang paghandaan

nang galit mo sa mundo’y maibsan
ngunit bakit dinamay ang buwan

ay, ano nga ba ang katuturan
pag pinagsusuntok mo ang buwan

ikaw ba nama’y masisiyahan
at sa puso’y may kapayapaan

o iyan ay isang kahangalan
ng utak na minsa’y nadirimlan

a, pagmasdan mo na lang ang buwan
nang kanyang ganda’y mapanagimpan

Ang Bumangga sa Manggagawa

ANG BUMANGGA SA MANGGAGAWA
tanaga
ni Greg Bituin Jr.

ang sinumang bumangga
sa uring manggagawa
ay tiyak magigiba
at tuluyang luluha

(tanaga - taal na tulang tagalog, binubuo ng apat na taludtod at may pitong pantig sa bawat taludtod)

Sa Pangulong Kuhila

SA PANGULONG KUHILA
7 pantig bawat taludtod
ni Greg Bituin Jr.

sa pangulong kuhila
sadyang walang napala
ang mga maralita
sa kanyang pinanata

bahay nati'y giniba
buhay nati'y lumubha
hirap nati'y humaba
luha nati'y bumaha

wala siyang nagawa
sa tulad nating dukha
nakatira sa lungga
mahirap pa sa daga

di dapat maniwala
sa pangulong kuhila
ang dulot niya'y luha
sa ating mga dukha

pangako na'y sinira
di nagpapakumbaba
halina at maghanda
ibagsak ang kuhila

(kuhila - matandang tagalog sa palamara, sukab, lilo, imbi o taksil, ginamit ni Balagtas sa kanyang Florante at Laura laban sa mga prayleng kuhila)

Sa Pagdalo sa Kamayan

SA PAGDALO SA KAMAYAN
ni Greg Bituin Jr.
14 pantig

maraming salamat sa mabuting nilalayon
ng kalatas na itong hatid sa aming nayon
sa inyong tinakdang pulong ako'y paroroon
matamang makikinig, di para maglimayon

basta't sa ikabubuti nitong kalikasan
at sa ikagaganda nitong kapaligiran
akong simpleng makata'y inyong pakaasahan
taos na tutulong sa abot ng kakayahan

kaya nga't magkita-kita tayo sa Kamayan
magbahaginan at matuto sa talakayan
upang makapag-ambag tayo kahit munti man
sa ikabubuti ng kalikasan at bayan

aasahan naming tayo'y magkikita doon
upang magkaisa sa napakagandang layon

(ang tulang ito'y tugon sa isang paanyayang dumalo sa talakayang pangkalikasan sa Kamayan-Edsa tuwing ikatlong Biyernes bawat buwan mula pa Marso 1990, dinadaluhan ko na ito mula 1997, gayunman ginawan ko ito ng tula para sa nag-anyaya)

Ang Uwak at ang Trapo

ANG UWAK AT ANG TRAPO
tula ni Greg Bituin Jr.
9 pantig

Uwak lamang ang tumatawag
Sa sarili niyang pangalan

Kapara nitong mga trapo
Na bukambibig lagi'y "Ako"

"Ako ang nagpagawa niyan
Ako rin ang nagpondo riyan

Sa akin ang ganyang proyekto
Iyon nama'y pinagawa ko

Pinasemento ko ang daan
Pati na iyang basketbulan

Dahil ako nga'y makatao
Dapat ako'y inyong iboto!"

Siya ba'y talagang seryoso
Na makapaglingkod sa tao?

Tingin sa maralita'y boto
Tingin sa serbisyo'y negosyo

Pag nasa pwesto na't hinanap
Aba'y di agad mahagilap

Istorbo ang tingin sa masa
Pag nilapitan sa problema

Siya ba'y sadyang mapagpanggap?
Pag halalan lang lumilingap?

Pulos "Ako" ang maririnig
Tila uwak ay dinadaig

Kapwa parehong sinasambit
Ngalan nila sa lumalapit

"Uwak, uwak," sabi ng isa
"Ako, ako," anang isa pa.

(binagong bersyon ng nauna kong tulang pinamagatang "Uwak at Pulitiko")

Huwebes, Hunyo 18, 2009

Ang Dinoktor Mo...

ANG DINOKTOR MO... ni Greg Bituin Jr. 11 pantig
maraming nagpapagawa sa iyo hinahanap ka ng maraming tao pinagagawa'y pekeng dokumento bakasakaling magkakatrabaho
ako sa iyo'y napapasimangot pagkat ikaw lagi'y nambuburaot pagkat hindi ka pala manggagamot doktor ka pala ng mga kurakot
marami na pala ang dinoktor mo na sari-saring mga dokumento pawang papel na di naman totoo at kaylaki pa ng bayad sa iyo
dinoktor mo ang mga dokumento dinoktor mo pati pirma ng tao dinoktor mo rin pati sertipiko o, kaydami na nga ng dinoktor mo
sa pamemeke ka pala yumayaman payag ka't galing mo'y binabayaran gayong marami kang pahihirapan niloloko mo na ang mamamayan
ang pamemeke mo'y gawaing halang kaya dapat itigil mo na iyan at baka mabali ang iyong tadyang ng galit ng nilokong mamamayan
siguradong ikaw din ay babagsak pagkat marami kang pinapahamak pag nahuli'y kalaboso kang tiyak at doo'y magsisisi ka't iiyak

Martes, Hunyo 16, 2009

Ang Buhay Ko'y Ikaw

ANG BUHAY KO'Y IKAW
ni Matang Apoy

ang buhay ko'y ikaw, ikaw ang aking buhay
kayganda ng talatang nakagigising ng malay
nawa'y minamahal ko'y di sa akin mawalay
dahil baka iyon ang akin nang ikamatay

ikaw ang aking buhay, ang buhay ko'y ikaw
minsan, mahal, nais kitang makaulayaw
kahit pa sa gitna ng gabing mapanglaw
sa saliw ng musika'y akin kitang isasayaw

ang buhay ko'y ikaw, ikaw ang aking buhay
nawa ang pag-iibigan nati'y tunay at lantay
malagutan man ng hininga't tuluyang mamatay
pagkat tanging ikaw lamang itong aking buhay

Linggo, Hunyo 14, 2009

Con Ass sila


CON ASS SILA
ni greg bituin jr.

(hinggil sa mga kongresistang nagsusulong ng Con Ass para sila-sila lang ang babago sa Konstitusyon ng Pilipinas nang walang pagkonsulta sa taumbayan)

CON ASSo sila, nagpapakatuta sa mga kapitalista't dayuhan

CON ASSungot sila, hindi sila tunay na mga lingkod ng sambayanan

CON ASStang linta sila, bulabugin na ang mga trapong gahaman

CON ASSwang sila, patuloy nilang sinisipsip ang dugo ng bayang nahihirapan

CON ASSawa mo ang isang kongresistang nagkanulo sa bayan, palayasin mo na sa tahanan

CON ASSahan mo pa sila, baka lalong malugmok ang bayan sa kahirapan

CON ASSiwa ka na sa gobyerno ng mga gahaman, aba'y pumalag ka na at lumaban

CON ASSar ka na, kumilos ka't sumamang patinuin ang mga tiwali sa pamahalaan

CON ASStig ka na, at dapat lang maging astig laban sa pagsasamantala, halinang sumamang baguhin ang lipunan

Sa Iyo

SA IYO
sagot sa tulang pinamagatang "KAMI" ni mcreceldadr sa multiply
http://makatangpinoy.multiply.com/notes/item/18?mark_read=makatangpinoy:notes:18

napakaganda ng iyong tula
pagkat nakakapagmulat ng diwa
bagamat tila ako'y lumuha
sa tulang sa aki'y bumulaga

tunay ngang dapat alagaan
ang lahat ng mga kababaihan
pagkat sila yaong larawan
ng inang ating pinagmulan

sadyang dapat baguhin ang pagtingin
sa mga kababaihan sa bayan natin
atin ding ikampanyang tanggalin
ang mga babasahing bold magasin

nawa'y patuloy ka pang makalikha
ng marami pang mapagmulat na tula
tulad ko'y natututo sa iyong akda
at marami pa'y tiyak may mapapala

Biyernes, Hunyo 12, 2009

Budhi ng Bayan ang May Atas

BUDHI NG BAYAN ANG MAY ATAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig, soneto

Budhi na ng bayan ang nag-aatas
Kung bakit dapat labanan ang Con Ass
Pinatunayan nitong sadyang ungas
Ang mga lingkod bayang di parehas.

Dahil sa dal'wampung milyong pisong kas
Ay pinaglaruan nila ang batas
Ang mamamayan, at pati ang bukas
Ng bayan nating kanilang hinudas.

Kongreso'y parang pugad na ng ahas
Tulung-tulong ang mga talipandas
Kaya kababayan, tayo'y lumabas
Magtulungan tayo laban sa Con Ass.

Budhi na ng bayan ang nag-aatas
Kaya dapat labanan itong Con Ass.

30 Pilak Noon, 20M Piso Ngayon

30 PILAK NOON, 20M PISO NGAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlumpung pirasong pilak noon
Ang tinanggap ng alagad na si Hudas
Dalawampung milyong piso ngayon
Ang tinanggap para ipasa ang Con Ass.

Baya'y tuluyang ibinabaon
Sa krisis ng mga kongresistang ungas
Na walang pakialam sa nasyon
Mamamayan man ay magkalagas-lagas.

O, bakit kaya sila'y ganoon?
Sariling interes ang kanilang batas!
Iyan ang alam ng mga iyon
Kaya sa mamamayan ay naghuhudas!

Con Ass ng trapo'y itapon ngayon
At ipalit natin ang magandang bukas.

Huwebes, Hunyo 11, 2009

Ang Malibag na Malibog

ANG MALIBAG NA MALIBOG
ni Matang Apoy
13 pantig

minsan nga doon sa baryong aming kanugnog
may nakatirang isang lalaking malibog
binobosohan ang mga dilag sa timog
nagsasalsal habang ang araw ay palubog.

ang trabaho niya sa araw ay magtibag
ng mga batong pinagbibili sa patag
ayaw maligo kaya palaging malibag
kaya di nagugustuhan ng mga dilag.

ang pinapangarap niya'y mga artista
lalo na si Ara Mina at si Katrina
pati na sa kapitbahay niyang kayganda
habang naliligo'y binobosohan niya.

mabuti't mapagbantay yaong mga tanod
na habang magandang dalaga'y naghihilod
nakita agad ang boserong nakatanghod
habang nagtitilamsikan ang mga tamod.

kaya ang boserong malibag at malibog
ay dinakip at ngayon ay nagpapahinog
doon sa bilangguang parolang kaytayog
ikinakaskas na lang sa pader ang itlog.

Miyerkules, Hunyo 10, 2009

Con Ass salmo

CON ASS salmo responsorio
(ito'y ginanap sa isang rali sa Plaza Miranda, Hunyo 10, 2009, 10:30 ng umaga, at lumabas sa Channel 2 at Ch. 7 ng 12:00 ng tanghali, ang komedyanteng si Tado ang pumapel na tagapagsalita, habang ang mga maralitang kababaihan naman ng KPML ang sa Tugon, ang salmo ay inakda ni GBJ)

TUGON:
CON ASS NG MGA HUDAS

AY DAPAT NANG MAGWAKAS

TAGAPAGSALITA:
Pagtataksil sa ating bukas
Itong Con Ass ng mga Hudas
Sambayana’y ginawang ungas
Ng Kongresong nagtalipandas.
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Dinulot sa masa’y hilahil
Ng mga kongresistang taksil
Dapat natin silang mapigil
Bago bukas nati’y masiil.
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Hubaran natin ng maskara
Mga taksil na kongresista
Na kinabukasan ng masa
Ang pinaglalaruan nila
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Huwag po nating iboboto
Iyang mga ganid na trapo
Lalo na si Gloria Arroyo
Na nais magtagal sa pwesto
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Si Reyna Gloria’y hindi dapat
Sa pwesto niya ay magluwat
Lalo lang magpapakabundat
Sa yaman ng bayang sinilat.
TUGON:

TAGAPAGSALITA:
Sa tatlumpung pirasong pilak
Sambayanan ang pinahamak
Tayo’y dinadala sa lusak
Ng mga kongresistang tunggak.
TUGON:

Biyernes, Hunyo 5, 2009

Habang Lumuluha'y Lumaban Ka

HABANG LUMULUHA'Y LUMABAN KA
ni Matang Apoy
sonetong may 11 pantig bawat taludtod
(tugon sa tulang "Tahimik akong lumuluha" ng isang babaeng makata sa multiply)

tama lamang na ikaw ay lumuha
dahil ang bayan na'y ginagahasa
ng mga lingkod-bayan daw ng bansa
at mga kapitalistang kuhila

ngunit ang patak ng luha'y di sapat
pagkat dapat kumilos tayong lahat
lalo ngayong ang lipunan ay salat
yaman ay dinambong ng mga bundat

habang lumuluha ka'y lumaban ka
ipagtanggol mo ang bayan at masa
sa paglaban mo'y sasamahan kita
sasama kami sa pakikibaka

palayain ang bayang nagdurusa
pati ang malungkot mong kaluluwa

Lunes, Hunyo 1, 2009

Igagawa Kita ng Tula

IGAGAWA KITA NG TULA
ni Matang Apoy
12 pantig
(tugon sa pagbati ng isang babaeng taga-multiply)

o salamat, salamat din ng marami
sadyang iniingatan ko ang sarili
upang makagawa pa rin naman dini
ng mga tulang nililikha sa kasi

ninanais mo bang ikaw ay handugan
ng mga tulang para sa ating bayan
o nais mo'y tula ng pag-iibigan
turan mo at ikaw ay aking gagawan

ito lang naman ang aking nagagawa
ang maghandog sa inyo ng abang tula
igagawa kita ng tulang may luha
o kaya naman mga tulang may tuwa

ingat ka lagi, o aking kaibigan
lalong lalo na ang iyong kalusugan

Tulang Panunaw

TULANG PANUNAW
ni Matang Apoy
10 pantig bawat taludtod

habang guniguni'y nagsasayaw
ang pabango'y umaalingasaw
habang sa orasan nakatanaw
si manang na panay ang tungayaw

bakit daw ngipin niya'y nalusaw
sa kagutuman at pagkauhaw
gayong doon sa pinggang mapusyaw
ay may maiinom siyang sabaw

pasensya kung tula ko'y mababaw
katatapos lang kasing maglugaw
pagkat habang ako'y humahataw
ay merong palang pumapalahaw

gayunman, kahit ako'y pumanaw
tulang palabiro ko'y panunaw

Pagdiga ng Putik

PAGDIGA NG PUTIK
ni Matang Apoy
9 pantig

langit at lupa ang pagitan
ng dyosa at ng karaniwang
taong tulad kong sumasamba
sa sinisinta kong dalaga

putik nga akong umiibig
sa dalagang nagpapapintig
niring pusong kong naaantig
sa kanyang may magandang tinig

ako'y napabuntung-hininga
putik akong walang halaga
ang masasabi ko lang, sinta
iniibig kita, o, dyosa

Ako Man ay Putik

AKO MAN AY PUTIK
ni Matang Apoy
10 pantig

oo, ako'y isang putik lamang
na laging inaapak-apakan
pati dangal pa'y niyuyurakan
nitong mga burgis at gahaman

ngunit ang di nila alam, pare
na nakukuha lang ang dyamante
sa mga putikan at pusali
kung saan sila ay nandidiri

putik nga lang ako't hampaslupa
na lagi nilang kinakawawa
sa harapan nila'y di luluha
di rin ako magmamakaawa

putik na walang ginhawang lasap
pagkat ang gobyerno'y mapagpanggap
na di tinatapunan ng lingap
ang mga kababayang mahirap

putik man ako kung iisipin
ngunit tulad ng iba'y tao rin
na may dangal, isip at damdamin
na di dapat nilang mamatahin

pagkat ako'y totoong lalaban
huwag lang dangal ko'y yuyurakan
ipagtatanggol ang karangalan
kahit ako'y makipagpatayan